Palasyo: Taas noo pa rin ang bansa kay Pacquiao

Pacquiao

Pacquiao


SINABI kahapon ng Palasyo na taas noo pa rin ang Pilipinas sa kahanga-hangang paglaban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa kabila naman ng pagkatalo kay Floyd Mayweather, Jr.
Idinagdag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma na nagpapasalamat si Pangulo Aquino sa pagbibigay niya ng inspirasyon sa bawa’t Pilipino na nagpupunyagi at lumalaban sa mga hamon ng buhay upang matamo ang isang maunlad na kinabukasan.
“Patuloy nating ipinagmamalaki ang husay, gilas at tapang ni Manny Pacquiao. Sinasagisag niya ang galing at kabutihan ng bawa’t Pilipino na kayang makipag-paligsahan sa pinakamahusay sa iba’t ibang larangan — at kayang magtamo ng karangalan,” sabi ni Coloma.
Ayon kay Coloma, nanood si Aquino ng laban ni Pacquiao sa Bahay Pangarap.
“Sana’y makapag-ukol na si Manny ng dagdag na panahon para sa kanyang pamilya at sana’y mapanatili niya ang magandang kalusugan sa kanyang pagtahak ng iba pang landas na nais niyang tahakin sa hinaharap,” dagdag ni Coloma.

Read more...