PH spikers dinaig ang Kazakhstan

ITINAAS ng host Pilipinas ang kalidad ng paglalaro kaharap ang 19th ranked sa mundo na Kazakhstan para angkinin ang 25-19, 25-11, 27-25 panalo sa Rebisco 1st Asian U-23 Women’s Volleyball Championship kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Hindi natinag bagkus ay tila nagsilbing hamon para sa pambansang koponan ang makaharap ang isa sa malakas na koponan para makabangon buhat sa four-sets pagkatalo sa Iran kamakalawa.

Ang team captain at back-to-back UAAP MVP na si Alyssa Valdez pa rin ang nanguna sa koponang hawak ni coach Roger Gorayeb sa kanyang 19 puntos, mula sa 16 kills at tatlong aces pero naroroon ang suporta galing kina 6-foot-5 Jaja Santiago, NCAA MVP Gretcel Soltones at Marivic Meneses na nagsanib sa 29 puntos.

May 1-1 baraha ngayon ang Pilipinas sa Pool A at nagsilbing tiket nila ito papasok sa second round.

Ito ay dahil ang host team ay may magandang quotient sakaling manalo ang Kazakhstan sa Iran sa pagtatapos ng pool elimination ngayong araw.

Ang pag-abante sa second round ay nagtiyak na hindi bababa sa ikawalong puwesto ang tapos ng koponang nagsanay lamang ng tatlong linggo para sa 12-koponang torneo.

Malaki ang itinaas ng kalidad ng laro ng Nationals at isa na rito ay sa errors na kung saan may 15 lamang sila sa game na ito kumpara sa 40 kontra sa Iran.

Si Yana Yogadina ang nanguna sa Kazakhstan sa kanyang 18 puntos pero ininda ng koponan ang 23 errors para lasapin ang kauna-unahang pagkatalo sa women’s volleyball sa Pilipinas.

Read more...