MARAMI ang nakakapansin na mas gumanda at mas naging fresh si Shaina Magdayao simula nang maghiwalay sila ni John Lloyd Cruz.
Marahil ay talagang naka-move on na ang dalaga mula sa “bangungot” na relasyon nila ni Lloydie.
Ayon nga sa isang nakausap namin, bukod daw sa mas maaliwalas ngayon ang aura ni Shaina, e, mas gumaling pa raw ang acting nito, lalo na sa kanyang mga drama moments sa afternoon series nila ni Jake Cuenca sa ABS na Kung Ako’y Iiwan Mo.
“Grabe si Shaina du’n! Feel na feel niya ang mga eksena nila ni Jake, lalo na nu’ng malaman niyang pinagtataksilan siya nito.
Feeling ko, si Lloydie ang nasa isip niya habang kinukunan ang eksena!” ayon sa isa naming friendship na walang pinalampas na episode ng nasabing serye.“Tsaka ang ganda-ganda niya ngayon.
Nakita ko siya one time recently, parang bigla siyang nag-bloom, hindi tulad noon na parang laging problemado.
Siguro nga, isang malaking tinik sa dibdib sa kanya noon si Lloydie.
Kung hindi niya hiniwalayan ‘yung lalaking ‘yun baka mukha na siyang losyang ngayon!” nag-mamaasim pang chika ng aming kausap.
Well, tuloy-tuloy pa rin ang pagiging winner ng OFW-serye ng ABS na Kung Ako’y Iiwan Mo.
Base sa pinakahuling datos ng Kantar Media noong Martes (June 19), nakuha ng teleserye ang ika-10 pwesto sa top 20 overall TV programs sa bansa taglay ang 13.7%.
Ibig sabihin, hindi talaga bumibitiw sa programa ang loyal viewers nito, talagang tutok na tutok sila sa mga maiinit at nakakalokang eksena nina Shaina at Jake bilang Sarah at Paul, pati na rin si Bangs Garcia bilang si Mia na siyang gumaganap na kabit ni Jake.
Ngayong pinagbubuntis na ni Mia ang bunga ng pagtataksil ni Paul, paano na si Sarah na umaasang maisasalba pa ang relasyon nila ng asawa?
Paninindigan ba ni Paul si Mia o mas pipiliing buuin ang nawasak na pangako kay Sarah?
Napapanood pa rin ang Kung Ako’y Iiwan Mo tuwing 3:30 p.m. pagkatapos ng Mundo Man Ay Magunaw sa Kapamilya Gold ng ABS.