Suwerte sa buwan ng Mayo (2)

Sulat mula kay Jun ng Poblacion II, Obrero, Butuan City

Problema:
1. Matagal na akong graduate ng kursong Marine Transportation, ang kaso hanggang ngayon ay wala pa rin akong trabaho. Masipag naman po akong mag-aplay sa mga shipping agency at kung saan-saang pang-ahensya pero ang laging sinasabi sa akin ay tatawagan na lang ako.

2. Sir Greenfield, sa edad ko bang ito na 29 na, may pag-asa pa kaya akong magkaroon ng regular na trabaho? Kung mayroon, kailan kaya ito magkakatotoo? Nagsasawa na kasi ako sa buhay ko na walang ginagawa at maghapon na lang sa bahay nakatunganga? February 28, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Jun ng Butuan City
Solusyon/Analysis:

Astrology:
Ang zodiac sign mong Virgo (Illustration 2.) ang nagsasabing pagpasok na pagpasok ng buwang ito ay mararamdaman mo na ang sunod-sunod na suwerte sa iyong buhay. Sa career, love life at sa lahat ng aspeto ng iyong kapalaran ay puro buenas at suwerte ang kusang darating at magtutuloy-tuloy na ang magandang mga pagpapalang nabanggit hanggang sa buwan ng Setyembre.

Numerology:
Ang birth date mong 28 ay nagsasabing sa taon ding ito ng 2015, sa edad mong 29 pataas hanggang edad 32, maraming mga biyaya at mga pagpapala ang kusang darating sa iyong buhay, lalo na sa pag-ibig, pakikipagrelasyon, career at maging sa materyal na bagay.

Graphology:
Upang mas madaling matupad ang magandang kapalaran sa larangan ng pag-aabroad at pagse-seaman, ganoon din sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, pagandahin mo ang iyong lagda. Magagawa mo ito kung hahabaan ang pinaka-krokes ng letrang “t” sa iyong pirma. Sa ganyang lagda, magtatagumpay ka na at habang buhay na magiging maligaya.

Huling payo at paalala:
Jun, ayon sa iyong kapalaran, simula ngayong buwan ay mala-dramatikong magbabago ang iyong kapalaran. Mula sa paista-istambay lang sa inyong bahay ay magkakaroon ka na ng regular na trabaho at hindi lang basta trabaho. Sa halip, matutupad na ang pangarap mong makasampa sa barko at ang pagba-barko na ito ang siya na ring magiging simula at magiging hudyat upang tuloy-tuloy kang umunlad at habambuhay ng aasenso.

Read more...