Kung sa Davao ipinuslit…

KUNG sa Davao City International Airport ipinuslit ni Mary Jane Veloso ang 2.6 kilo ng heroin, may kinalagyan siya, o baka maaga siyang “binitay” nang walang bista. Walang pulis na maniniwala sa kanya na ipinadala lang sa kanya ang maleta. Hindi ganoon katanga ang mga pulis ni Rodrigo Duterte.

Gasgas na dahilan na ang “ipinadala lang sa akin ang maleta at di ko alam na may droga pala sa loob.” Ito ang dahilan kung bakit nabitay sa maghapon ang tatlong Pinoy sa Red China. Hindi tinanggap ng maraming bansa, kabilang ang Malaysia, ang palusot na “ipinadala lang sa akin ang maleta at di ko alam na may droga pala sa loob.”

Hindi binitay sa pamamagitan ng firing squad si Veloso sa Nusakambangan prison island, malapit sa Cilacap (bigkas: tsilatsap) sa Central Java dahil binanggit ni Pangulong Aquino ang kaugnayan ng human trafficker sa pagpupuslit (napatunayan ang pagpupuslit ng Indonesia Supreme Court at dalawang beses pinandigan ito nang walang kagatul-gatol, ayon sa The Jakarta Post). Ang Pilipinas at Indonesia ay kapwa lumagda sa Palermo Convention hinggil at kontra human trafficking.

Ang dinig ng Indonesia ay nahuli ng mga pulis si Maria Kristina Sergio, ang kababayan ni Veloso sa Talavera, Nueva Ecija, sa hinala at kasong human trafficking. Pero, humingi ng proteksyon sa mga pulis si Sergio sa takot na patayin siya ng pamilya ni Veloso, lalo na ng asawa nito, na nagbanta. Kaya naman, minamadali ng mapagkasong gobyernong ito ang pagsasampa ng kasong human trafficking kay Sergio, tulad ng pagmamadali, sa loob ng 24 oras, ng pagsasampa ng kasong kriminal kay Gloria Arroyo.

Ang mga bansang lumagda sa Palermo Convention ay nanumpang litisin nang walang pagdududa, pag-iimbot at may kinikilingan ang mga inakusahan ng human trafficking. Ang human trafficking ay itinuring sa Palermo Convention na kahindik-hindik na krimen. Ito ang batayan at dahilan na maraming bansang lumagda sa Palermo Convention na nagbaba ng hatol na bitay sa kasong human trafficking, kapag napatunayang nagkasala nang walang pagdududa.

Ayon sa AGO (Attorney General’s Office) ng Indonesia, base sa ulat ni Fedina S. Sundaryani, ng The Jakarta Post, ang pagpapaliban ng pagbitay kay Veloso ay “temporary reprieve” at “postponement.” Sa madaling salita, hindi ito “permanent reprieve” o “reduction reprieve” na magbabawas ng kanyang sentensiya na patayin ng firing squad at habang nababawasan ang sentensiya ay makaliligtas na siya sa bitay ng firing squad. Ipinagpaliban lamang ang kanyang pagbitay at maaari ring ituloy, base sa utos ng Supreme Court kapag nadinig at napatunayan ang ugnayan ng human trafficking, base sa probisyon ng Palermo Convention.

Matatag ang paninindigan ng Indonesia Supreme Court. Dalawang beses nitong tinanggihan ang apela kay Veloso at di ito tulad ng Korte Suprema sa Pilipinas na pabagu-bago ang desisyon, hanggang sa kontrahin na niya ang sarili. Hindi ko tinatawaran ang kakayahan ng mga tumayong abogado ni Veloso ngayong malapit na siyang bitayin, pero nakatitiyak ako na wala siyang abogadong de kampanilya.

Ipiprisinta ang testimonya (hindi ang sarili) ni Veloso para madiin si Sergio sa kasong human trafficking, siyempre. Pero, para mapagtibay ang kasong human trafficking kay Sergio, kailangang meron pa siyang ibang biktima at hindi lang si Veloso dahil nahaharap siya (Sergio) sa mabigat na sentensiya. Kailangang pusakal na human trafficker si Sergio.

Matalino si Sergio at tila alam niya ang kasong human trafficking. Sa Nueva Ecija Provincial Police Office, sinabi ni Sergio na wala siyang kinalaman sa heroin at tanging desisyon na ito ni Veloso na ipasok ang maleta sa Adisucipto International Airport sa Yogyakarta noong 2010. Pero, ayon sa isang abogadong Indon, ito ang tinatawag nilang turuan para ilipat ang sisi sa huling ituturo.

Ayon naman sa isang tanyag na criminal lawyer na madalas nagtatanggol sa mga akusado ng droga sa Quezon City Regional Trial Court, mahina ang depensang “turuan.” Ang turuan ay mahinang depensa at magpapatunay lamang ng koneksyon sa tanikala at naglulubid na mga insidente na siyang bumubuo ng tunay na larawan ng kaso. Napatunayan ng mababang korte at ng Indonesia Supreme Court na dala ni Veloso ang heroin.

Napakaraming reaksyon sa kaso ni Veloso, pati na ang mula sa isang grupo na humihingi na patawarin na lang siya ng pangulo ng Indonesia, si Joko Widodo. Mali ang inihahatid na halimbawa nito sa mga Mamasapano ng droga, na nagkataong apat na linggo nang laman ng kolum na ito. Ihihingi na lang pala ng tawad ang marahas na sentensiya base sa drama ng labis na kahirapan at dalawang anak na lalaki.

Pinagtatawanan ng China ang Pilipinas, lalo pa’t may balita na gagawing pelikula ang buhay ni Veloso. Susme, ganoon na lamang pala kadali ang maging biglang sikat. Ang magpuslit ng mahigit dalawang kilo ng heroin. Pero, sa PDOS (Pre-Departure Orientation Seminar) pa lamang ay itinuturo na ang “pagpapadala” at “paki bitbit,” kaya bakit maraming Pinoy pa rin ang gumagamit ng ganitong gasgas na dahilan kapag nahuli.

Read more...