MAGANDANG buhay po! Ako po si Antonio Castillo. Naoperahan po ako nitong nakaraang March 28, 2015. Itatanong ko lang po kung meron pa po ba akong marereimburse sa PhilHealth? Magkano po ba ang allotted amount para sa operasyon ng appendicitis? Aking ikalulugod kung ako ay inyong matutulungan. Salamat po.
Antonio Castillo
REPLY:
Pagbati mula sa Team PhilHealth!
Nais po naming ipabatid na ang Appendectomy ay binabayaran ng PhilHealth sa pamamagitan ng Case Rate o packaged rate na nagkakahalaga ng P24,000 kasama na ang professional fee. Ito po ay direktang ibinabayad sa pasilidad o ospital.
Ang halaga pong ito ay nahahati sa dalawang bahagi, 60 porsyento sa hospital charges o P14,400 at ang 40 porsyento o P9,600 ay para naman sa Professional Fee o sa duktor. Ang buong halagang ito ay dapat na ibawas ng ospital at doktor sa inyong kabuuang bill.
Samantala, sa mga pagkakataon po na higit ang halaga ng aming rate sa aktuwal na naging gastusin ng miyembro o pasyente, ang halaga po na sumobra ay ibabayad pa rin namin sa ospital (hindi po sa miyembro) at ito ay dapat na gamitin ng ospital sa pagpapaunlad ng serbisyo nito kasama na ang pagbili ng lahat ng kainakaila-ngang supply at maiwasan ang pagpapabili sa pasyente ng gamot sa labas ng ospital o botika. Ito po ang mekanismo ng ginawa ng PhilHealth upang matugunan ang pangangaila-ngan ng ospital at mas mapaganda ang takbo ng sistemang pangkalusugan lalo na sa mga pampublikong pasilidad.
Kung hindi po naibawas sa inyong bill ang benepisyong ito noong ma-discharge ang pasyente, makipag-ugnayan po sa nasabing ospital at ipakita ang ipinadala naming Benefit Payment Notice (BPN) para sa refund.
Salamat po.
CORPORATE ACTION CENTER
Website: www.
philhealth.gov.ph
Twitter:
@teamphilhealth
Facebook: www.facebook.com/PhilHealth
Call Center:
441-7442
amv
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.