WALA pa ring girlfriend ang Kapamilya actor na si Ejay Falcon. Sa edad na 25, sinabi ng binata na ang priority daw niya ngayon ay ang kanyang pamilya, lalo na ang mga kapatid.
Sa pocket presscon na ibinigay ng ABS-CBN at ng production ng Maalaala Mo Kaya para kay Ejay kung saan magbibida nga siya sa part 2 ng “Fallen 44″ episode ng MMK kasama sina Coco Martin at Angel Locsin, sinabi nitong very much single pa rin siya hanggang ngayon.
“Wala, e. Wala pa, e…wala pang dumating, e. Basta ‘pag may dumating, sigurado po, ipapaalam ko talaga. Hindi naman ako naghahanap kasi mahirap hanapin.
“Ang oras ko pa, segue-segue na ako sa taping. Hindi ko naman hinahanap. Alam ko naman na kusang darating. Lahat naman ‘yan darating, e. Hindi naman ako yung pupunta sa club para maghanap ng babae, or manligaw, or para makahanap.
“Hindi ko rin kinukulit yung mga kaibigan ko na, ‘Uy, baka may kakilala ka, ipakilala mo naman ako.’ Hindi naman ako ganu’n. Basta ‘pag dumating sa buhay ko at talagang okay kami, baka possible.
Baka posibleng mangyari yun,” sabi pa ng binata. Hirit naman ng press kay Ejay, baka nauubos ang panahon niya sa pagpapayaman? “Hindi naman sa nagpapayaman.
Pero priority ko talaga ang pamilya ko, mga kapatid ko. Panganay po kasi ako.” Samantala, nalungkot si Ejay dahil wala silang eksena ni Angel sa espesyal na episode nila sa MMK na aniya’y idol na idol niya noon pa.
Sa nasabing episode, binibigyang-pugay nga ang buhay ng dalawa sa 44 PNP-Special Action Force commandos na namatay sa Mamasapano massacre.
Last Saturday, ang buhay ni Sr. Insp. Garry Erana (Coco) ang napanood ng madlang pipol at bukas naman ng gabi ay ang buhay ni P/Insp. Rennie Tayrus ang dapat n’yong tutukan na gagampanan nga ni Ejay.
“Sayang talaga at hindi kami nagkaeksena ni Ms. Angel. Pero nakakuwentuhan ko naman siya, napaka-humble niyang tao. Sobrang fan talaga ako ni Miss Angel at pangarap ko talaga siyang makatrabaho.
“Kasi po, dito sa ABS-CBN, siya yung nakikita kong mag-a-aksiyon, magda-drama, nagsi-sexy. Parang ako din po yun, e. Ako din kasi nag-aaksiyon din, nagdadrama, at sa Pasion de Amor (bago niyang serye sa Dos), medyo sexy yung tema. Kaya yun, pangarap ko siyang makatrabaho,” sey ng binata.
Tumagal ng limang araw ang taping ni Ejay para sa nasabing MMK episode, at inamin niyang sobrang naapektuhan siya sa mga napag-alaman niya tungkol sa buhay ng mga pulis, lalo na ng SAF commandos.
“Sabi ko nga, napakasuwerte ko at nabubuhay ko ang pamilya ko na hindi kailangang manganib ang buhay ko,” ani Ejay na umamin ding noong bata siya ay talagang gusto niya ring maging pulis o sundalo.
“Sobrang bilib ako sa mga SAF commando natin. Mabuti na nagkaroon kami ng pagkakataon na makita kung paano ang buhay nila dito para mas ma-appreciate namin ang lahat ng ginagawa nila para sa bayan.
Hindi ko malilimutan itong experience na gumanap bilang si Police Senior Inspector Rennie Tayrus,” ani Ejay.