PNoy iniwan ng manggagawa

BUKAS, Mayo 1, gugunitain ng libo-libong manggagawa ang Araw ng Paggawa o Labor Day. Inaasahan na sa Mendiola Bridge malapit sa Malacañang, magtatapos ang kabi-kabilang martsa-protesta para ipakita kay Pangulong Aquino ang patuloy na pagsasamantalang nararanasan sa hanay ng mga arawang obrero.

Pero kakaiba ngayon ang paggunita sa Labor Day. Kung dati, ang tradisyunal na dialogue o breakfast meeting ng mga labor group kay Ginoong Aquino ay nagaganap, hindi na ito mangyayari.

Nagpasya ang Nagkaisa, isang koalisyon ng mga unyon at labor group sa bansa, na huwag nang siputin si G. Aquino sa taunang breakfast meeting sa Palasyo. Ang desisyon ay bunsod na rin sa kawalang aksyon ni G. Aquino na sertipikahang urgent ang Security of Tenure bill na siyang tutugon sa isinusukang contractualization system na sumisira sa job security ng isang manggagawa.

Sa nalalabing 14 buwan ng panunungkulan ni G. Aquino, nakalulungkot ang ganitong pangyayari kung mismo ang mga manggagawa ang siyang tatalikod sa kanya na itinuturing na balikat at haligi ng lipunan ngunit walang nagawa para sa mga manggagawa na bugbog ang katawan sa araw-araw na pagtatrabaho kapalit ang kapiranggot na sweldo.

Ipinapakita sa pangyayaring ito na hindi nga makamanggagawa si G. Aquino. Ang taon- taong paghingi ng dagdag na sahod at benepisyo, karapatan na makapag-unyon at paghingi ng disenteng working condition ay halos hindi natutugunan ng pamahalaan.

Ang masakit pa nito, sa halip na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga maliliit na manggagawa ay mas kinikilingan pa ang mga negosyante o kapitalista. Ang mga pabrika sa kasalukuyan ay mas marami ang bilang ng mga casual o contractual employees kung ikukumpara sa mga regular na trabahador.

Sa ganitong sistema ng hiring, malinaw na pabor ito sa mga negosyante. Iwas gastos ang mga kapitalista sa pagbibigay ng seguridad sa mga manggagawa, benepisyong medical, sick at vacation leave, at maging maternity at paternity leave at iba pang mga benepisyo.

Tatlong taon ang itinagal ng
dialogue sa pagitan ng mga manggagawa at ni G. Aquino pero wala itong aksyon na ginawa na magsusulong ng kapakanan ng arawang manggagawa.

Kung inaakala ni G. Aquino na sapat na ang masarap na agahan na inihahain sa nasabing breakfast meeting kalakip ang mga
pangako sa mga obrero ay nagkakamali siya.

Walang saysay ang breakfast meeting na ito. Mas makabubuting sa Mendiola na lang dalhin ang mga karaingan. Sa kilos-protesta ng mga manggagawa bukas, buong lakas na isisigaw ng mga uring manggagawa ang kanilang pagkadismaya sa pamahalaang Aquino.

Nakapanghihinayang dahil kung naging makamanggagawa lang si G. Aquino magiging maganda sana ang kanyang pamamaalam sa mga huling buwan niya sa Malacañang.

Read more...