May himala! Bitay kay Mary Jane iniurong

DAHIL sa tindi ng pressure mula sa international community, iniurong ng Indonesian government ang pagbitay sa Pilipinang si Mary Jane Veloso bagamat itinuloy naman ang pagpatay sa walo pang death row-convicts mula sa ibang bansa sa  Nusakambangan prison island malapit sa  Cilacap sa Central Java.

Maraming Pilipino ang napaiyak sa tuwa nang salubungin ang umaga na may dalang balita na hindi nga itinuloy ang pagbitay sa Pinay.

Gayunman, malungkot na ibinalita ng opisyal ng Attorney General’s Office sa Indonesia na natapos na ang pagbitay sa walong kondenado na sina  Indonesian Zainal Abidin, Australians Andrew Chan at Myuran Sukumaran, Brazilian Rodrigo Gularte, Nigerians Sylvester Obiekwe Nwolise, Raheem Agbaje Salami at  Okwudili Oyatanze, at Ghanaian Martin Anderson.

Hindi itinuloy ang pagbitay kay Veloso matapos sumuko ang sinasabing recruiter nito ilang oras bago ang nakatakdang pagpatay sa Pilipina.

Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) MIyerkules na nakatanggap nga si Veloso ng temporary reprieve.

“We are relieved that the execution of Mary Jane has not been carried out tonight. The Lord has answered our prayers,” ayon kay Charles Jose, spokesman ng DF.A.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng ina ni Veloso na si Celia na labis ang kanilang tuwa matapos mapabalita na hindi itinuloy ang pagbitay sa kanyang anak.

“Tama nga pag gusto ng Diyos na mabuhay ka, mabubuhay ka, Masayang-masaya kami.  Bibisitahin namin siya agad,” ayon kay Celia.

 

Read more...