Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
7 p.m. Rain or Shine vs. Talk ‘N Text
Game One: Talk ‘N Text, 99-92
Game Two: Rain or Shine, 116-108
Game Three: Rain or Shine, 109-97
Game Four: Talk ‘N Text, 99-92
Game Five: Talk ‘N Text, 103-94
Game Six: Rain or Shine, 101-93
SA huling pagkakataon, magtutuos ang Rain or Shine at Talk ‘N Text na ang layunin ay tuluyang maiuwi ang kampeonato ng PBA Commissioner’s Cup.
Ang Elasto Painters at Tropang Texters ay maghihiwalay ng landas mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City at walang koponang may bentahe kontra sa isa.
Napuwersa ng Rain or Shine ang Talk ‘N Text sa winner-take-all Game Seven matapos na mapanalunan ang Game Six, 101-93, noong Linggo.
Nagwagi din ang Elasto Painters sa Game Two (116-108) at Game Three (109-97). Ang Tropang Texters ay namayani naman sa Game One (99-92), Game Four (99-92) at Game Five (103-94).
Hangad ng Rain or Shine na maisubi ang ikalawang kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa. Puntirya naman ng Talk ‘N Text ang ikapitong titulo nito.
Maganda ang naging simula ng Talk ‘N Text sa Game Six dahil nakalamang kaagad ito, 8-0. Subalit dagling nakabawi ang Rain or Shine na nagpamalas ng matinding depensa upang makontol ang first quarter, 23-18. Lumayo pa ang Rain or Shine, 54-42, sa halftime break.
Nakabuo ng double-double ang sophomore center na si Raymond Almazan nang magtapos siya na may 18 puntos at 10 rebounds. Ang import na si Wayne Chism ay gumawa din ng 18 puntos bukod sa 24 rebounds, dalawang assists, dalawang blocked shot at isang steal.
Ipinagpag naman ni Paul Lee ang sprained ankle at nagtapos na may 16 puntos, limang assist, tatlong steal, dalawang rebound at isang blocked shot sa 32 minuto. Si Jeff Chan, na hindi sana lalaro sa serye bunga ng plantar fascitis injury, ay gumawa ng 11 puntos sa 11 minuto. Isa ang Elasto Painter, ang rookie na si Jericho Cruz, ay may 10 puntos sa laro.
Limang Tropang Texters ang nagtala ng double figures sa scoring. Sila ay pinangunahan ni Ranidel de Ocampo na gumawa ng 21 puntos. Ang Best Player of the Conference na si Jayson Castro ay nagtala ng 16 at si Jay Washington ay may 14 puntos. —Barry Pascua