Mayor ng Kawayan, Biliran inireklamo ng misis dahil sa pambubugbog

ISANG alkalde ang inireklamo ng kanyang misis sa Office of the Ombudsman dahil sa umano’y pambubugbog sa kanya.
Sinabi ni Myra Espina na natatakot siya sa kanyang buhay lalo at kilalang maimpluwensya ang pamilya ng kanyang mister na si Mayor Rodolfo Espina Sr., ng Kawayan, Biliran.
Ikinasal ang dalawa noong Marso 25, 2011 ni Biliran Judge Oscar Posion.
Ilang ulit umanong binugbog ng alkalde si Myra at may mga pagkakataon na walang malinaw na dahilan. Nagsampa siya ng reklamong Physical abuse (RA 9262) sa Department of Justice Regional Office sa Tacloban City.
Nagkasundo ang mag-asawa at nangako umano ang alkalde na hindi na siya muling sasaktan.
Pero muli umano siyang binugbog nito noong Agosto 18, 2014. Ilang ulit umano siya nitong sinuntok sa sikmura at sa dibdib. Kinabukasan ay tinutukan naman umano siya nito ng patalim sa leeg at pinagbantaan na papatayin.
Naghain siya ng reklamo sa Commission on Human Rights Regional Office sa Tacloban at nagtago na.
“With the very strong and wide clout and influence of the respondent being a scion of the Espina political clan of the province of Biliran, his brother being the incumbent congressman of the province, it is most respectfully requested that these cases be tried in the Ombudsman Central Office, if possible,” saad ng siyam na pahinang reklamo.
Sa kanyang reklamo sa Ombudsman sinabi ni Myra na ang ginagawa sa kanya ng alkalde ay paglabag sa grave misconduct, conduct unbecoming of a public officer, paglabag sa Violence Against Women and Children Act at paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.

Read more...