IPAGDASAL nating mga Pinoy na lumaki ang pag-asenso ng ating bansa upang wala na tayong mga kababayan na mangibang-bayan para mamasukan dahil sapat-sapat na ang mga trabaho sa Pilipinas.
Nakakaawa ang marami nating mga kababayan dahil nagmimistula silang mga alipin sa mga bansa kung saan sila nagtatrabaho.
Lalong aantig ang inyong mga puso kung maririnig ninyo, gaya ng naririnig ko halos araw-araw, ang mga hinaing ng Pinoy na inapi o binaboy sa mga bansang Arabo.
Ang dinanas ni Mary Jane Veloso, na nakatakdang bibitayin sa Indonesia ngayong araw dahil sa drug trafficking, ay isang halimbawa ng isang OFW (overseas Filipino worker) na minalas.
Sinasabi ni Veloso na biktima siya ng isang frame-up, na ang maleta niya ay nilagyan ng droga ng kanyang recruiter na hindi niya alam.
Napakaraming iba pa nating kababayan ang kagaya ni Mary Jane Veloso.
Marami-rami na rin ang mga OFW na bumalik sa bansa na nasa kabaong na.
Maraming ginahasa ng kanilang mga amo.
Isang napakasakit na karanasan ang nangyari kay Florenda Bernabe (di niya tunay na pangalan) na matapos siyang gahasain ng kanyang among lalaki ay pinakulong pa siya ng kanyang among babae nang siya ay magsumbong dito.
Andiyan yung mga construction workers na Pinoy na hindi pinasisueldo ng kanilang empleyado.
Andiyan yung mga lalaki na ginahasa ng mga pulis ng Saudi Arabia matapos silang nahuli na di nila dala ang kanila ikama o work permit.
Andiyan yung masyadong minaltrato ng among Arabo na si Maricel Bubos na halos mabulag nang kiskisin ang kanyang mukha ng steel brush ng kanyang amo at maraming marka ng latigo sa kanyang katawan.
Andiyan yung isang Pinay na binitay dahil din a niya matiis ang ginagawang pagmamalupit ng kanyang amo at nasaksak niya ito.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa Asya—ang iba ay Indonesia at Sri Lanka—na pinagkukunan ng modern-day slaves.
Kung noong mga 1700s hanggang 1800s ang Africa ang pinagmumulan ng mga aliping itim, ang Africa ngayon ay ating bansa.
Dapat sisikapin ng susunod na magiging Pangulo ng ating bansa na tumalon ang ating bansa mula sa pagiging Third World country tungo sa pagiging economic tiger o First World.
Maisasakatuparan lang ang pangarap na nabanggit kapag malinis ang gobiyerno ng mga kawaning kawatan at magkaroon ng kapayapaan.
Peace and order at corrupt-free government ang kailangan ng ating bansa upang dumugin tayo ng mga foreign investors.
Sinong pipiliin natin na kandidato sa pagka-Presidente, si Vice President Jojo Binay na nahaharap sa maraming kasong pangungurakot o si Davao City Mayor Rody Duterte na walang bahid sa kanyang pangalan ng corruption?
Sa tagal ni Binay na nanungkulan bilang Makati City mayor, hindi niya nasugpo ang problema sa droga sa lungsod at kriminalidad.
Sa Davao City, walang ganoong mga problema na meron ang Makati.
Puwede kang maglakad ng disoras ng gabi sa kalye ng Davao City na hindi natatakot na ikaw ay maholdap o masaksak.
Ang mga drug pushers, drug traffickers, holduppers at mga akyat-bahay ay matagal nang nahihimbing sa kani-kanilang libingan.
Kailangan natin ng lider na may kamay na bakal upang ang Pilipinas ay umunlad.
Kailangan natin ng lider na gaya ni Lee Kuan Yew na ginawang First World country ang Singapore na noong dekada ‘50 ay mahirap na mahirap na bansa.
Noong dekadang nabanggit, maunlad ang Pilipinas at ang Singapore ay parang Tondo sa kahirapan.
Ngayon ay nabaligtad ang sitwasyon: Tayo ang naghihikahos at ang Singapore ay umaawas ang salapi sa pagiging progresibo.