NGAYON ang ika-151 anibersaryo ng kapanganakan ng pambansang bayani na si Jose Rizal.
Pero alam ba ninyo na sa iba ay hindi lamang bayani ang turing kay Rizal, kundi isang diyos?
Ang tawag sa kanila ay mga Rizalista – sila na mga naniniwala at itinuturing na si Rizal ay diyos at ang bayan ng Calamba sa Laguna kung saan isinilang ang pambansang bayani ay ang sinasabing
“promised land”. Dito, anila itatayo ng Diyos na si Rizal ang kanyang Kaharian sa pagwawakas ng mundo. Sinasabi na ang baryo ng Rongot, ang pinakamahirap na baryo ng Calamba ang magiging bagong Jerusalem.
Kulto
Ito ang paniniwala ng kultong Iglesia Sagrada Familia, isang maliit na grupo ng Rizalista na matatagpuan sa Sitio Rongot, Calamba.
Ang kanilang lider ay nagngangalang Gloria Bibat o Nanay Gloria na 86 anyos na.
Tinatawag ng grupo si Rizal bilang amang Rizal o Amang Doktor.
Ang kanilang simbahan ay matatagpuan sa Sition Rongot, at ito ay kinabibilangan ng may 100 miyembro.
Karamihang miyembro nito ay mga babae na pawang may mga edad na.
Gaya na pananampalatayang Kristiyano, naniniwala ang grupo sa Trinity.
Ang Diyos Ama ay ang sinasabi nilang si Apo Asyong; Amang Rizal naman ang siyang tumatayong Diyos Anak; at Inang Adarna bilang Diyos Ina.
Naniniwala ang mga Rizalista na ang lahat ng bumubuo ng Trinity ay tanging si Rizal lamang.
Ayon sa kanilang paniniwala ang lahat ng mga ito ay si Rizal.
Apo Asyong
Ngunit base sa kanilang paliwanag, si Apo Asyong o Senor Don Ignacio Coronado na nakatira sa Sito Aplaya, ilang kilometro ang layo mula sa Calamba, ay nagpakilalang ang totoong Rizal.
Isinilang siya noong Pebrero 2, 1890.
Siya ay nagsimulang mangaral noong 1940s at ipinakilala ang sarili bilang ang totoong Dr. Jose Rizal.
Ayon sa kanya, peke ang taong binaril ng mga Kastila noong 1896 sa Luneta.
Namatay si Apo Asyong noong Disyembre 21, 1957 at inilibing sa Lecheria Hill na pinaniniwalaan kung saan namalagi umano si Rizal noong kanyang kabataan pa.
Batay sa kwento, nagsimula ang Iglesia Sagrada Familia nang si Danny Bibat, nakatatandang kapatid ni Nanay Gloria ay nasa US Navy pa.
Kasagsagan ng giyera laban sa Hapon, Oktubre 1942, nang tamaan ang sinasakyang barko nina Danny.
Tumalon umano sila sa karagatan bago ito sumabog.
Ilang araw na raw silang nagpalutang-lutang nang isang mababang ulap ang tumambad sa kanila at nakita nila ang kalahati ng katawan ng isang lalakeng may balbas at sila ay tinulungan na makapunta sa dalampasigan.
Pagkatapos ng giyera nagretiro umano si Danny mula sa Navy at siya ay tumira sa Tatalon, Quezon City.
Taong 1951, nang isang matandang babae ang lumapit sa kanya at sinabing may matandang lalaki sa Calamba ang nais siyang makita.
Nagtungo si Danny sa nasabing lugar at doon nakita niya si Apo Asyong.
Inatasan umano ni Apo Asyong si Danny na dalhin ang kanyang pamilya sa Rongot.
Nakumbinsi naman ni Danny ang kanyang pamilya na sumama sa Rongot at doon sinimulan ang Iglesia Sagrada Familia.
Taong 1972 nang mamatay si Danny at si Nanay Gloria na ang naging lider ng Iglesia Sagrada Familia.
May anting-anting umano si Nanay Gloria na isang medalyon kayat sa kabila ng edad ay malakas pa rin siya.
Mahahaba ang mga buhok ng mga miyembro ng Iglesia Sagrada at nakasuot sila ng puting mahabang damit na hanggang bukong-bukong.
Paksyon
Ang burol ng Lecheria ay sinasabing lugar din ng mga Rizalista kung saan umano makailang ulit na nagpakita si Rizal at gumawa ng milgaro gaya ni Hesu Kristo.
Isa pang grupo ng mga Rizalista ay ang Iglesia Watawat ng Lahi na itinatag noong 1936.
Ngunit dahil sa away ng mga miyembro nito, taong 1987 nang magkaroon ito ng apat na paksyon, ang Samahan ng Watawat ng Lahit Presiding Elders, ang Iglesia Watawat ng Lahi Malvarosa paksyon, Iglesia ng Lipi ni Gat Dr. Rizal at ang Pilipinas Iglesia ng Watawat ng Lahi.
Nagsulputan din ang iba pang mga grupo gaya ng Jerosalem Alpha at Omega, Jerosalem Religious Group of the Philippines, Pampara (Pambansang Makabayang Pananampalataya Para kay Dr. Jose Rizal), ang Samahan ng Tatlong Persona Solo Dios, Ciudad Mistica de Dios, Adamista, Bathalismo, Iglesia Sagrada Filipina at Espiritual Pilipino Catholic Church.
Ang mga ito ay kalat sa buong bansa at may mga sari-sariling chapters.
Ang ilan sa mga ito ay nakabase sa Calamba, Laguna at sa paanan ng Mount Banahaw sa Quezon, at meron din sa ibang bansa.
Naniniwala ang mga Rizalistas na may pagkakahawig si Kristo kay Rizal.
Ang ilan naniniwala naman na si Rizal ang tagapagligtas ng Pilipinas kagaya ni Kristo na tagapagligtas ng Israel.
May ilan namang naniniwala na si Rizal ay ang re-incarnation ni Kristo. (Abangan bukas: Rizal bilang atheist)
(Ed: may tanong, reaksyon o komento ba kayo sa artikulong ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar, at mensahe sa 09178052374)