Rain or Shine humirit ng winner-take-all Game 7

PINABAGSAK ng Rain or Shine Elasto Painters ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 101-93, kahapon para makapuwersa ng winner-take-all match sa 2015 PBA Commissioner’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang serye ay tabla na ngayon sa 3-3 at ang winner-take-all Game 7 ay gaganapin sa Miyerkules sa nasabi ring venue.

Si Wayne Chism ay gumawa ng 18 puntos at 24 rebounds para pangunahan ang Rain or Shine, na nakabangon buhat sa 0-8 panimula para makontrol ang laban at maiposte ang 54-38 kalamangan bago ang halftime.

Ilang beses din na nagsagawa ang Tropang Texters ng ratsada subalit naghulog naman ng mahahalagang buslo sina Gabe Norwood at Chism para sa Elasto Painters upang hindi makalapit ang katunggali.

Si Raymund Almazan, na tinanghal na Best Player of the Game, ay nagtapos na may 18 puntos at 10 rebounds habang si Paul Lee ay nagdagdag ng 16 puntos.

Pinamunuan ni Ranidel de Ocampo ang Talk ‘N Text sa kinamadang 21 puntos. Si Ivan Johnson ay nalimita naman sa anim na puntos mula sa 2-of-9 field goal shooting.

Read more...