Diretso nang tinuldukan ni Vic Sotto ang mga kuwentong lumabas na tatakbo siya sa susunod na taon bilang mayor ng Quezon City.
Nu’n pa man ay sinasabi na namin na hindi ‘yun totoo, malayo kasi sa bituka ng magaling na komedyante-TV host ang pulitika, meron lang sigurong mga nag-uudyok sa kanya na hindi naman sinunod ni Bossing Vic.
Meron silang gagawing pelikula nina Senador Bong Revilla at Judy Ann Santos na ipanglalaban nila sa Metro Manila Film Festival, mahabang proseso ang pagbuo nu’n, ang pagsusumite naman ng kandidatura ng mga tatakbo sa susunod na halalan ay sa Oktubre na.
Sabi ni Bossing Vic, “‘Yun na lang ang isasagot ko sa mga ispekulasyon na tatakbo akong mayor sa Quezon City.
Hindi puwede ‘yun, October na ang filing, hindi puwedeng mangyari ‘yun.”Marami namang nagtatanong sa amin kung sila na ni Pauleen Luna, malinaw ang isinasagot namin, oo.
‘Yun kasi ang aming pakiramdam, ‘yun ang aming pinaniniwalaan, sila na ngayon pero gusto nilang maging pribado naman ang kanilang relasyon.
Ganu’n naman palagi si Vic, ayaw niyang ginagawang karnabal ang pakikipagrelasyon niya, kahit pa sabihing public figure siya na hindi makaliligtas sa panghihimasok ng publiko sa kanyang lovelife.
Ang mahalaga ay maligaya siya ngayon, masaya sila ni Pauleen sa kanilang sitwasyon, ‘yun ang pinakaimportante dahil wala namang ibang makapagbibigay ng kaligayahang ‘yun sa kanila kundi silang dalawa lang.
Sabi ng isang kaibigan namin ay parang alak daw si Vic Sotto, habang nagtatagal at nagkakaedad ay mas sumasarap, ‘yun ang karismang meron ang komedyante-TV host na wala ang iba.