Dinadagsa ngayon ng ating mga kababayan ang opisina ng Team Pacquiao at MP Tower Gym. Palagi namang ganito ang ating lahi, kung kailan malapit na ay tsaka tayo nagkukumahog, gustong magkaroon ng mga kababayan natin ng mga Pacman-Mayweather collectibles.
Puwedeng magkaroon ng mga hindi orihinal na items, napakaraming ibinebenta ngayon sa Baclaran at sa Divisoria, pero ang mga orihinal na materyales ay mula lamang sa Team Pacquiao.
Palaging ubos ang mga Manny Pacquiao-Floyd Mayweather, Jr. merchandise sa Robinsons Ermita at Robinsons Galleria, kinakapos ang Team Pacquiao dahil sa sobrang dami ng order sa kanila, kung kailan naman kasi malapit na ang laban ay tsaka nagsabay-sabay na gustong magkaroon ng mga collectibles ng ating mga kababayan.
Ayon kay Tito Reli de Leon, isa sa mga pinagkakatiwalaan ng Pambansang Kamao, “Napakabilis maubos ng mga Pacman-Mayweather merchandise. Grabe, mabenta ang mga t-shirt, jacket, boxing gloves at toys namin, kulang na kulang kami sa supply.”
Ang kinikita ng Team Pacquiao sa mga ibinebenta nilang collectibles ang pondo namang ginagamit ng MP Tower Gym sa pagtulong ng Pambansang Kamao sa mga bagitong boksingero.
“Libreng training, board and lodging pa nga kung kailangan, lahat na ‘yun, hindi ipinagdadamot ni Manny sa mga nangangarap na boxers,” pahayag pa ni Tito Reli de Leon na ilang dekada nang kaibigan-tapagayo ng kampeong boksingero.