MISMONG ang nagbitiw na si dating Customs Commissioner John Sevilla na ang nagsabi na napilitan siyang magbitiw sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa matinding political pressure.
Sinibak ba siya o napilitang magbitiw matapos ang ulat na inatasan siya ng Liberal Party (LP) na mangalap ng P3 bilyong pondo para sa nalalapit na 2016 presidential elections?
Hindi ba at mismong si Sevilla na ang nagsabi na talamak pa rin ang korapsyon at katiwalian sa BOC.
Batid naman ng lahat na ang Customs ang isa sa mga ahensya ng gobyerno na ginagawang gatasan ng mga nakaupong administrasyon.
Ibinulgar ni Sevilla na umalis siya sa BOC dahil na rin sa hindi niya masikmura ang nais ipagawa sa kanya, bagamat hindi na ito idinitalye.
Halata rin na bago pa man ihayag ni Sevilla ang kanyang pagbibitiw, matagal nang alam ng Palasyo ang kanyang pag-alis dahil ilang oras matapos ang kanyang pagre-resign, inihayag na ng Malacañang ang pagkakatalaga kay Alberto Lim bilang bagong Chairman ng Customs.
Pormalidad na lamang ang paghahayag ni Sevilla ng pagbibitiw sa puwesto dahil matagal nang may naghihintay sa kanyang pag-alis sa puwesto.
Bago ang paghahayag ng pagbaba sa puwesto ni Sevilla, itinalaga na ni Pangulong Aquino ang kaalyado sa LP na si dating Cavite governor Erineo
“Ayong” Maliksi bilang Chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Alam naman natin na bukod sa Customs, ang PCSO at ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ang ilan sa mga ahensiya na ginagatasan ng gobyerno.
Halata namang naghahanda na ang Liberal Party para sa 2016 presidential elections sa pagtatalaga ng mga tao sa PCSO at Customs para makalikom ng pondo para sa partido.
Kung popondohan kasi ang kandidatura ni DILG Secretary Mar Roxas, mangangailangan talaga ng malaking halaga ang LP para naman bumango ang pangalan nito at tumaas ang kanyang rating.
Kung sinuman ang kumukumpas para sa administrasyon para sa pag-iipon ng pondo para LP ay kanya-kanyang hula na lamang dito, pero siyempre ang magiging tanong ay kung may basbas ito ni Pangulong Aquino?
Malaki ang utang na loob ni PNoy sa LP kaya hindi kataka-takang maging sunod-sunuran siya sa mga nais mga opisyal ng Liberal Party.
Sino ba sa LP ang may kakayahang magdikta para gawin ang lahat para matiyak na handa na ang partido para sa darating na eleksyon na ilang buwan na lamang mula ngayon?
Sa pangakong Tuwid Na Daan ni Pangulong Aquino, may naniniwala pa ba rito kung ang mga tao na nakapalibot sa kanya ang siyang pasimuno ng mga katiwalian sa gobyerno?