NAISAKATUPARAN ni Brent Valelo ang hindi niya nagawa dalawang taon na ang nakaraan nang pagharian niya ang mini-sprint sa 2015 ASTC Asian Triathlon Cup na handog din ng Speedo at Philippine Sports Commission kahapon sa Malawaan Park sa Subic Bay Freeport Zone.
Ang 14-anyos na si Valelo ay naorasan ng 46 minuto sa 400m swim, 12km bike at 3km run race at tinalo niya ang mga kababayang sina Fredric Albert “Yuan” Chiongbian (46:12) at Bambam Manglicmot (47:10) sa boys mini-sprint (400m swim, 12km bike, 3km run).
May dalawang Malaysians din ang sumali sa kategoryang ito at ang 1-2-3 finish ay nadagdagan pa ng isang pilak at isang tansong medalya na hatid nina Nicole Eijansantos (50:09) at Sam McInnes (51:39) sa girls division.
Si Bailee Brianna Brown ng Hong Kong ang kumuha ng ginto sa 48:52 oras.
Noong 2013 ay sumali rin si Valelo sa kategoryang ito pero natalo siya kay Chiongbian. Nagkita uli ang dalawa sa Batang Pinoy Finals noong nakaraang taon at nanalo uli ang Cebuano triathlete kaya’t masaya ang tubong Caloocan triathlete na nawakasan niya ang mga naunang pagkatalo sa edisyon ng kompetisyong inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines katuwang ang Subic Bay Metropolitan Authority at may basbas ng Asian Triathlon Confederation at International Triathlon Union.