Sobra-sobra na kasi ang mga ginagawang panlalait-pambabastos ni Mo kay Aubrey Miles at nasasaktan siyempre si Troy, kaya ang hamon nito, sabihin ni Mo Twister ang lahat ng mga paninirang ‘yun sa kanyang mukha mismo at hindi ‘yung ganyan na puro talikuran.
Ang pagkakamabutihan ngayon nina KC Montero at Rhian Ramos na ex ni Mo ang naging ugat ng kuwento ng kanilang hidwaan, galit na galit si Mo, dahil naturingan pa naman daw niyang kaibigan si KC pero tinraydor siya nito.
Tinraydor daw siya ni KC? Teka lang naman muna.
Matagal nang wasak ang kanilang relasyon ni Rhian nang pumasok sa eksena si KC, kaya ano ang pakialam du’n ni Mo?
Idinamay na niya pati si Aubrey Miles, tinatawag niyang porn star ito, ayaw niya pang banggitin ang pangalan ni Aubrey, pero napakaobyus naman na ito ang kanyang pinatatamaan.‘Yun ang dahilan ng panggigigil ngayon ni Troy sa kanya, malinaw nga namang kaduwagan ang pagpatol ng isang naturingang lalaki sa isang babae, kaya bakit hindi silang mga lalaki ang magtuos?
Nakakaawa naman itong si Mo Twister kapag nagkaupakan sila ni Troy, para siyang luyang pinitpit sa sangkalan kapag nagkataon, baka pati ang matabil niyang dila ay tadtarin din ni Troy.
‘Yun ang mahirap kay Mo Twister.
Masyado siyang pikon.
Wala siya sa katwiran kadalasan, nang-uupak siya nang talikuran, kaya sabi ng mas nakararami ay mas masahol pa siya sa isang babaeng wala nang ginawa kundi ang magpuputak nang magpuputak.
Mismo!