MARAMI nang pinasukang trabaho ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas bago niya narating ang kinalalagyan niya ngayon.
“Destiny talaga sa akin ang maging artista,” ani Ai Ai sa ginanap presscon ng bagong teleserye ng GMA na Let The Love Begin, ang unang proyekto niya sa pagbabalik-Kapuso.
Ikinuwento pa ng komedyana ang mga paghihirap na pinagdaanan niya bago siya nakapasok sa showbiz, “Naging saleslady din ako at ito pa, dito kayo magugulat, nag-training din ako sa foreign affairs!” dagdag ng Comedy Queen.
Nagbigay naman siya ng payo sa mga gustong pumasok sa industriya ng showbiz, lalo na ang mga kabataan – dapat daw mahalin nila ang kanilang trabaho at huwag na huwag lalaki ang ulo.
Dagdag pa ni Ai Ai, dapat din daw magaling makisama, maging humble, at higit sa lahat dapat laging magpasalamat sa Diyos. Abangan ang comeback teleserye ng Comedy Queen sa GMA na Let The Love Begin (remake ng dating movie nina Angel Locsin at Richard Gutierrez) kung saan gaganap siya bilang si Jeni, isang DJ sa isang sikat na radio station na magkakaroon ng mapait na karanasan sa love dahil na rin sa partner niya sa radyo na si DJ Toni na gagampanan naman ni Gardo Versoza.
Aaminin kasi ni DJ Jeni on national TV na super in love siya kay DJ Toni pero malalaman niyang meron na pala itong ibang mahal. Siyempre, sa sobrang kahihiyan, isusumpa niya ang ang kanyang partner at magkakahiwalay nang may matinding samaan ng loob.
Ang hindi nila alam, sa paglaki ng kanilang mga anak, magiging mabuting magkaibigan ang mga ito at magkaka-inlaban na gagampanan nga ng bagong promising loveteam ng Kapuso network na sina Ruru Madrid at Gabbi Garcia bilang sina Pia at Erick.
Can their love help their parents heal their wounds? Will Jeni and Tony let the love begin for Pia and Erick? ‘Yan ang kailangan n’yong tutukan sa bagong GMA Telebabad series na Let The Love Begin na magsisimula na sa May 4 after ng Pari ‘Koy.
Dramedy ang tema ng serye at nakatutuwa ang tandem nina Ai Ai at Gardo kaya tiyak na marami ang mag-eenjoy sa kuwento nito.
Kasali rin sa cast sina Donita Rose, Gina Pareño, Mark Anthony Fernandez, Gladys Reyes, Rita Daniela, Neil Ryan Sese, Noel Trinidad, Ren Escano, Phytos Ramirez, Abel Estanislao, Ricardo Cepeda, Joko Diaz, AR Angel Aviles, Angel Bayani, at ipinakikilala ang panganay na anak ni Ai Ai na si Sancho delas Alas. Ito’y sa direksyon ni Gina Alajar.