Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Rain or Shine vs Talk ‘N Text (Game 5)
NGAYONG bumaba na ang 2015 PBA Commissioner’s Cup Finals sa isang best-of-three affair, inaasahang ibubuhos ng Talk ‘N Text at Rain or Shine ang kanilang makakaya upang maiposte ang ikatlong panalo sa kanilang pagtutuos sa Game Five mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang koponang magwawagi mamaya ay magkakaroon ng tsansang tapusin na ang serye at maiuwi na ang korona sa Linggo.
Sinamantala ng Talk ‘N Text ang maagang foul trouble ni Rain or Shine import Wayne Chism upang magwagi sa Game Four, 99-92, noong Miyerkules at itabla ang serye sa 2-all.
Nanalo rin ang Tropang Texters sa series opener, 99-92. Napanalunan naman ng Elasto Painters ang Game Two (116-108) at Game Three (109-97).
Si Chism, ang Best Import ng Conference, ay natawagan ng tatlong sunod na fouls sa umpisa ng first quarter at kinailangang ibangko ni Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao.
Subalit siya ay isinugal ni Guiao sa umpisa ng second period nang iupo naman ni Talk ‘N Text coach Jong Uichico si Ivan Johnson. Sumablay nga lang ang sugal nang matawagan ng ikaapat na foul si Chism nang hatawin niya ang duma-drive na si Ranidel de Ocampo.
Sa kalagitnaan na ng third quarter muling naipasok si Chism nang halos kontrolado na ng Talk ‘N Text ang laro.
Nagkaroon pa ng kaguluhan may 9:47 pa ang nalalabi sa laro matapos na magpambuno sina Jireh Ibañes at Matt Ganuelas-Rosser na parehang na-thrown out sa laro.
Humalo sa gulo si JR Quiñahan nang batuhin niya ng bola sa ulo si Rosser at matawagan naman siya ng flagrant foul penalty two.
Na-thrown out din siya.