NAKATAWAG sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer si EM mula sa Riyadh, Saudi Arabia, at nagmamakaawa na maibalik na sana siya sa kaniyang agency.
Matapos magreklamong sinasaktan ng kaniyang amo si EM, mabilis itong ibinalik ng kaniyang madam sa ahensiyang nagbigay nito sa kaniya. Bugbog sarado ang ating OFW. Kung kaya’t pakiusap ni EM sa amo na pauwiin na lamang siya ng Pilipinas.
Ngunit nagmatigas ang employer at sa halip na pagbigyan ang naturang pakiusap, nakipag-kutsabahan pa ito sa agency upang maibenta na lamang sa iba.
Kalakaran din kasi sa Saudi ang sinasabing bentahan. Nangangahulugan lamang ito na pababayaran sa susunod na employer na pag-aalukan ng ahensiya ang lahat ng ginastos ng orihinal na employer bilang siyang tumatayong sponsor ng OFW papasok ng Saudi Arabia.
Hindi nga naman papayag na basta gumastos lamang ang employer at mapunta sa wala ang lahat ng kaniyang salapi upang makuha lamang ang isang Pinay worker bilang domestic helper nito. Kaya kapag ibinalik sila sa agency sa Saudi, gagawa naman ng lahat ng paraan ang agency upang maibalik ang mga nagastos ng naturang employer.
At paulit-ulit itong nangyayari sa isang OFW. Masasabing isang siklo na nga yata ito. Minsan tatlo hanggang apat o higit pang mga employer ang puwedeng pag-daanan ng isang OFW.
Kaya nang marinig namin ang reklamo, mabilis namang kumilos ang katuwang ng Bantay OCW na si Atty. Deo Grafil mula sa tanggapan ng Presidential Adviser on OFW Concern na si Vice President Jejomar Binay.
At katulad ng palaging inaasahan, mabilis ring kumilos si Labor Attache’ Resty dela Fuente mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng Saudi Arabia upang masaklolohan ang ating OFW.
Hinihintay na lamang ng Bantay OCW ang magiging positibong resulta na ginagawa ngayon ng POLO para sa kababayan nating si EM. Maraming salamat Atty. Grafil at Labatt’ dela Fuente.
Hindi na rin bago ang mga reklamo ng pananakit ng mga employer, hindi makataong pagtrato sa ating mga OFW, kawalan ng pahi-nga o labis-labis na oras ng pagtatrabaho at minsan, hindi pa nagpapasuweldo, o palaging delay ang naturang pasahod.
Kaya naman ikinatuwa ng Bantay OCW ang lumabas na balita kamakailan na mismong ang pamahalaan na ng Saudi Arabia ang nagsabing pangangalanan at kikilalanin ang mga employer na nang-aabuso sa kanilang mga domestic helper, hindi lamang sa mga Pilipino kundi maging sa iba pang mga lahi.
Gagawin ‘anya nila ito upang hiyain ang naturang mga employer at nang mahinto na ang ulat ng pang-aabuso at hindi magandang pagtrato sa kanilang mga kasambahay.
Nabanggit tuloy namin na maraming mapapangalanang employer diyan sa Saudi ang Bantay OCW program kapag nagkataon.
Sa loob kasi ng 18 mga taon naming pagbabantay sa ating mga OFW, sa tagal na panahon na paglilingkod ng Bantay OCW Foundation, maraming mga kasong dumaan na sa aming programa at kinilala natin ang mga employer na ito na inireklamo ng ating mga OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM,(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870. Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com