HINDI lang pangpresidential si Senador Grace Poe kundi pang vice presidential rin.
Ayon sa Social Weather Station, kung ngayon gagawin ang halalan, si Poe ang mananalo sa pagka-bise presidente.
Sa survey na ginawa ng SWS noong Marso, tinanong ang 1,200 respondents kung sino ang iboboto nilang bise presidente kung ngayon gaganapin ang ang eleksyon.
Si Poe ay nakakuha ng 26 porsyento at sinundan si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas na nakakuha ng 12 porsyento.
Pangatlo naman si Binay na maaari pang tumakbo para sa isa pang termino bilang ikalawang pangulo.
Si Sen. Francis Escudero na nakapagtala ng anim na porsyento ay nasa ika-apat na pwesto. Si Escudero ang itinatambal kay Poe.
Sumunod naman sina Sen. Miriam Defensor Santiago (5 porsyento), Davao City Mayor Rodrigo Duterte (4), Sen. Ferdinand Bongbong Marcos (3), Sen. Alan Peter Cayetano (3), Manila Mayor Joseph Estrada (3), Sen. Antonio Trillanes (3), Sen. Loren Legarda (1.7), dating Sen. Panfilo Lacson (1.6), dating Sen. Manny Villar (0.6), Sen. Jinggoy Estrada (0.6), at Batangas Gov. Vilma Santos (0.6).
Sa survey para sa pagkapangulo, tinanong ang mga respondents ng tatlong tao na dapat maging kapalit ni Pangulong Aquino.
Nanguna si Binay na nakakuha ng 36 porysento na sinundan naman ni Poe na may 31 porsyento. Bumaba ng isang porsyento si Binay samantalang si Poe ay tumaas ng 10 porsyento kumpara sa survey noong Disyembre.
Sumunod naman si Roxas (15), Duterte (15), Santiago (11), Mayor Estrada (11), Escudero (8), Marcos (7), Cayetano (4), Villar (3), Trillanes (3), at tig-isang porsyento sina Lacson, Legarda, Sarangani Rep. Manny Pacquiao, Sen. Ramon Bong Revilla Jr., at Senate President Franklin Drilon.
MOST READ
LATEST STORIES