Lumalalang kaso ng HIV

ANG pagtaas ng bilang ng Human Immunodeficiency Virus o HIV sa Pilipinas ay lubhang nakakaalarma. Kung hindi kikilos ang kinauukulan lalo na ang pakikipagtulungan ng publiko, malamang sa hindi, ang kaso ng HIV magtutuloy-tuloy at tiyak na lumubha.

Ang HIV ay isang uri ng virus na kung hindi makokontrol ay magiging ganap na Acquired Immunodeficiency Syndrome o AIDS. Sa kasalukuyan, wala pa ring gamot na susugpo sa HIV. Ang isang indibidwal ay maaaring mahawa sa pamamagitan ng palitan ng kanilang body fluids.

Ang pagkahawa ay nangyayari sa maraming paraan gaya nang hindi maingat na pakikipagtalik at kung minsan ay ang paggamit ng kontaminadong injection needle. Nakukuha rin ang HIV sa pamamagitan ng blood transfusion o pagsasalin ng dugo, at pagkahawa ng isang anak sa inang infected ng HIV sa panahon ng pagbubuntis.

Batay sa ulat ng United Nations Programme on HIV/AIDS, umaabot na umano sa mahigit kumulang na 35,000 ang kaso ng HIV sa Pilipinas. Noong nakaraang Pebrero, nakapagtala rin ng 646 bagong kaso ng HIV, pinakamataas na bilang simula nang unang makapagtala ng kaso ng HIV noong taong 1984.

Sa kabuuang 646 HIV case, lumalabas na 586 rito ay nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Lumalabas din sa bilang na 586 ay dahil sa tinatawag na homosexual contact.

Higit na nakababahalang deklarasyong binitiwan ng UNP HIV/AIDS na maituturing na isang epidemya na ang HIV sa Pilipinas base na rin sa bilis ng pag-akyat ng bilang nito.

Kung ganito ang pangyayari, maitatanong nating kung ano ang ginagawa ng pamahalaan para mahinto ang pagdami ng HIV sa bansa. Meron man, halos kakaunti ang inilulunsad na information campaign ng pamahalaan partikular na ginagawa ang Department of Health para maipaabot sa mga komunidad ang banta at peligro na maaaring makuha sa HIV.

Walang malinaw na kamulatan ang publiko sa anong masamang maidudulot ng HIV sa kanilang pamilya. Sa halip na maging abala ang mga barangay leaders sa pagbibigay impormasyon na dulot ng HIV, malayang inaatupag ng karamihan sa mga lokal na lider ang pamumulitika para muling mahalal bilang mga chairman o kagawad ng kani-kanilang mga barangay.

Kailangang magtulong-tulong ang lahat kung papaano masusugpo ang paglaganap ng HIV. Ang mga samahan, simbahan, non-government organization at iba pang grupo ay kailangang pakilusin upang magsagawa ng sustenidong information campaign sa bawat komunidad na magpapaliwanang sa masamang dulot ng HIV.

Kailangan din alamin ng mga kinauukulan ang kalusugan ng mga nagtatrabaho sa mga beerhouse, karaoke bar at iba pang establisyemento na may kaugnayan dito; at maipalam din sa kanila ang kahalagahan ng impormasyon hinggil sa lumalang banta ng HIV.

Mapipigilan ang sinasabing pagkalat ng HIV kung ang publiko mismo ang siyang kikilos sa tulong ng mga pamahalaang barangay para mapigil ang pagkalat ng HIV sa bansa.

Read more...