Richard Yap action star na; handa na ring magpakita ng kaseksihan sa Wansapanataym

richard yap

SA nakaraang presscon ng Wansapanataym Presents: My Kung Fu Chinito ay inamin ni Richard Yap o Ser Chief na noong nagsisimula pa lang siya ay nakaranas din siya ng pang-iisnab ng mga casting agency sa mga audition.

Noong araw kasi ay mas gusto ng ad agencies ang Asian o mestizo looking, hindi raw masyadong mabenta sa commercials ang mga Chinese.

Tinanong kasi ang cast ng bagong season ng Wansapanataym kasama sina Enchong Dee, David Chua at Atoy Co kung may bad experience na sila sa mga audition at kung naging disadvantage na sa kanila ang pagiging chinito.

“Ako na-experience ko ‘yan kasi usually, puro mga mestizo (hinahanap), ngayon medyo in na ngayon, mas accepted na sa market. Advantage na ngayon ang chinito,” kuwento ni Richard.

Oo nga, halos lahat ng napapanood ngayong TV commercial ay pawang Asian looking na at karamihan nga ay chinito, at iilan na lang ang mestizo.

At dahil tungkol sa Kung Fu ang kuwento ng bagong Wansapanataym, ay natanong naman si Richard kung sino ang paborito niyang martial arts expert, “Steven Seagal.”

Kilala si Steven Seagal bilang mahusay sa Aikido at kung hindi kami nagkakamali ay 7th dan black belt na ito at nagtuturo rin siya sa Japan.

Samantala, first time mag-aksyon ni Richard sa isang serye kaya excited siya, gagampanan niya ang karakter ni Chairman Hann na gustong ipasa ang kanyang talento sa Wushu sa isang taong may magandang puso at si Enchong bilang si Diego nga ang napili niya.

“Magiging protégé ko si Diego, itinuro ko lahat ng alam ko sa wushu,” sabi ni Richard. Nabanggit ni Enchong na bagama’t malaki ang agwat ng edad nila ni Richard ay hindi siya nailang dito dahil bagets din daw makipag-usap si Ser Chief.

“Pareho lang kami sa pag-iisip, actually, we’ve been together sa shows sa abroad, kaya magkakilala na kami, masayang kasama si Enchong kaya looking forward ako for this project.

“I’ve never expected na magkakaroon kami ng project together and when this was offered to us, I’m very happy,” pahayag ng chinitong aktor.

Samantala, tinanong namin kung ano ang mauunang gawin ni Richard kung itong Kung Fu Chinito o ang serye nila ni Judy Ann Santos na Someone To Watch Over Me.

“Halos magsasabay sila, siguro mauuna ng kaunti itong Kung Fu, kasi pagkatapos ng Yamishita (nina Coco Martin at Julia Montes), ito na ang kasunod.

Yung kay Juday, pagkatapos naman yata ng Nathaniel, I think,” sabi ng aktor. Ito rin ang unang pagkakataon na mapapanood si Richard sa Wansapanataym kaya excited na siya, pambata naman daw kasi ito at ibang-iba rin sa Be Careful With My Heart.

Biniro naman ni Enchong si Richard na magpapakita raw ito ng abs at muscles sa nasabing programa kaya tiyak na aabangan daw ito ng female viewers, pati na rin ng mga beki, “Ha-hahaha! Makikita n’yo naman dito na mag-i-split si Enchong,” biro naman ng aktor.

Malaki raw ang mababago sa imahe ni Richard na parating malinis ang role sa mga nagawa niyang serye dahil dito sa My Kung Fu Chinito ay medyo marumi siya kasi nga action star naman siya rito.

Samantala, nilinaw naman ng aktor ang biro ni Enchong na ayaw siyang isosyo ni Richard sa restaurant business nito.
Katwiran ni Mr. Yap, “May mga kasama na kasi ako, buo na, hindi naman ako ‘yung nagde-decide lang.”

Abangan ang Wansapanataym Presents: My Kung Fu Chinito kung saan kasama rin si Sofia Andres bilang love interest ni Enchong at sa direksiyon ni Erick Salud mula sa Dreamscape Entertainment.

 

Read more...