HANGGANG sa huling sandali ay gagawin ng pamahalaan ang lahat ng magagawa nito upang maisalba sa tiyak na kamatayan si Mary Jane Veloso, na nahulihan ng 2.6 kilo ng heroin sa Yogyakarta Airport sa Indonesia noong Abril 2010.
Ito ang naging npahayag ni |Communications Secretary Herminio “Sonny” Coloma sa panayam ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer.
Maari pa namang magsumite ang pamahalaan ng isa pang apela kahit naibasura na ng Korte Suprema sa Indonesia ang unang appeal.
Hindi raw talaga isusuko ng gobyerno si Velosos.
Makakatulong daw sa appeal ang pagkakatunton ng mga otoridad sa nagpadala kay Veloso ng droga na si Maria Kristina Sergio. Pati ang findings ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na biktima lamang ang akusado ay makakatulong din.
Samantala, sinabi ni Coloma na matapos ang pagbitay sa tatlong Pinoy sa China noong 2011, sinimula ng pamahalaang Aquino ang pinaigting na kampanya kontra drug smuggling.
Ipinaalam nila sa mga bara-barangay kung paano iyon isinasagawa, ang mga modus operandi nito, gaano kadelikado ang pagpupuslit ng droga at pati na ang pagtanggap ng anumang mga padala na hindi sila ang personal na nag-impake noon.
Epektibo naman daw ang kampanya dahil napakalaki nang ibinaba ng mga kaso ng drug trafficking mula noon.
Naganap ang pagpupuslit ng droga ni Veloso noong 2010 pero ngayon lang lumabas ang desisyon.
Pero umaasa pa rin sila na may mababago sa kaso kahit ilang araw na lang ang nalalabi.
Pagkatapos daw kasi ng Asian-African Summit sa Bandung na magtatapos sa Abril 24, ay itutuloy na ang bitay.
Personal naman magtutungo sa Indonesia si Vice President Binay sa Indonesia para dumalo sa pulong at para iapela na rin ang kaso ni Veloso.
Samantala naibahagi naman sa Bantay OCW ni Undersecretary Francisco Baraan ng Department of Justice ang samu’t-saring mga proseso ng apela ng pamahalaan na maaari pang gawin at tanggapin naman ng ibang mga bansa.
Isa na rito ang pangalawang apela para sa judicial review ng Indonesia. Aniya, pinapayagan ito sa batas, ngunit ang Department of Foreign Affairs ang siyang may atas na gumawa noon at hindi na ito kailangan pang dumaan sa Department of Justice (DOJ).
Ang tanong ko, ngayong tukoy na at natuntuon na ang illegal recruiter na si Sergio na bumiktima kay Veloso, kung posible ba ang palit-ulo?
Maaari bang ipalit si Sergio kay Veloso at ito ang bitayin sa halip na ang kanyang biktima?
“Long shot deal,” ayon kay Baraan.
Aniya, tapos na ang ginawang paglilitis kay Veloso. Hindi ganoon kasimpleng ituturo na lamang ang kanyang recruiter upang ipalit sa kanya.
Ibang kaso rin umano at ibang proseso ang kahaharapin ng kanyang recruiter.
At hindi rito pumapasok ang programang “prisoners swap” o “palit-ulo.”
Ipinatutupad lamang ito sa mga bansang may kasunduan ang Pilipinas.
Gayunman ay hangad ng ating mga opisyal at umaasa silang mapagbibigyan ang kahilingan ng pamahalaan para sa ating kababayang si Veloso.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com