Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Rain Or Shine vs. Talk ‘N Text (Game 4)
MATAPOS na dominahin ang Talk ‘N Text sa Game Three, hangad ng Rain or Shine na maitala ang ikatlong sunod na panalo kontra Tropang Texters sa Game Four ng PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakaulit ang Elasto Painters kontra Tropang Texters, 109-97, sa Game Three noong Linggo para lumamang sa serye, 2-1. Nanalo rin sila sa Game Two, 117-108, matapos na matalo sa series opener, 92-99.
Kung muling mamamayani ang Rain or Shine mamaya ay makakalapit sila ng isang hakbang tungo sa pagsubi ng ikalawang kampeonato ng prangkisa sa PBA.
Pinangunahan ni Wayne Chism ang arangkada ng Elasto Painters sa first quarter kung saan gumawa siya ng 13 sa kanyang game-high 32 puntos. Nakalamang ang Rain Or Shine, 32-26, matapos ang unang 12 minuto ng laro at hindi na hinyaan pang abutan ng Tropang Texters.
Lumamang pa ng 22 puntos ang Elasto Painters, 93-71. Ito’y kahit na pansamantalang nawala si Paul Lee matapos na mabali ang ngipin dahil sa nasiko ni Ivan Johsnon sa third quarter.
Nagbalik sa laro si Lee at ipinagpatuloy ag magandang depensa kontra kay Jayson Castro na nalimita sa 20 puntos matapos na magtala ng 44 sa Game Two. Nagtapos si Lee nang may 17 puntos. Sina Lee at Castro ang frontrunners sa labanan para sa Best Player of the Conference award na ipamimigay bago magsimula ang Game Four ngayon.
Si Chism ay nagtapos na may double-double matapos humugot ng 15 rebounds. Bukod dito ay nagtala siya ng tatlong assists, tatlong steals at dalawang blocked shots.
Si Jericho Cruz ay nagtala ng 14 puntos para sa Elasto Painters at nagdagdag ng 12 si Jeff Chan. —Barry Pascua
INQUIRER PHOTO