Nabigyan pa ng bonus ang mga kababayan nating nakabantay sa Wild Card Gym para makita at mayakap ang ating Pambansang Kamao. Dumating pa sa gym ang idolo ng mga Pinoy na si Sylvester Stallone.
Tama, ang makasaysayang si Rocky Balboa nga ng pamboksing na seryeng Rocky, tinutukan din ni Pacman ang mga pelikula ni Stallone.
Kapansin-pansin na maraming sikat na banyagang personalidad ang dumadalaw kay Manny Pacquiao, ihinahanap ng oras ng mga ito ang pagpunta sa Wild Card Gym, isang barometro kaya ‘yun na siguradong pababagsakin ni Pacman si Floyd Mayweather, Jr.?
Kapag ganu’n na palaging sinisilip si Pacman ng mga sikat na international figures ay ano pa nga ba ang ibig sabihin nu’n? Malaking-malaki ang tiwala nila sa Pambansang Kamao!
Dagdag-inspirasyon para kay Pacman ang pagbibigay ng panahon sa kanya ng mga personalidad na banyaga na ngayon lang din niya nakikita-nakikilala nang personal.
Reaksiyon ni Pacman nang malaman niyang parating na si Sylvester Stallone, “Si Rocky Balboa? Pinanood ko ang lahat ng mga pelikula niya. May mga DVD rin ako ng mga movies niya! Idol ko siya!”
Ewan kung seryoso ang kanilang usapan pero inimbitahan pala si Pacman ni Stallone para magkaroon ng special participation sa ginagawa nitong pelikula.