Siguradong may mga fans si Marian Rivera na magrereklamo kung bakit si Rhian Ramos ang napili ng GMA na magbida sa tomboy seryeng The Rich Man’s Daughter.
Karamihan kasi sa DongYan supporters na nakakausap namin, mas gusto nilang huwag na lang ituloy ang nasabing proyekto kung hindi na si Marian ang gaganap sa bidang karakter na si Jade Tanchingco.
Ginawa raw kasi ang The Rich Man’s Daughter para sa misis ni Dingdong Dantes at hindi para kay Rhian Ramos.Ayon naman sa ilang fans ni Marian, pwedeng i-shelve muna ang serye at ituloy na lang kapag nakapanganak na ang Primetime Queen.
Kahapon, nakita namin ang Instagram photo nina Marian at Rhian, at mukhang binigyan na ni Mrs. Dantes ang kanyang blessings kay Rhian bilang bagong bida ng The Rich Man’s Daughter.
Samantala, nagsimula nang mag-taping si Rhian para sa nasabing GMA soap. Lahat ng nakunang mga eksena ni Marian ay ipauulit kay Rhian.
Narito naman ang naging pahayag ni Rhian sa pagkakapili sa kanya sa nabanggit na serye, “Nagpapasalamat po ako sa GMA sa tiwalang binigay sa akin na ganapan ang role na Jade sa teleseryeng The Rich Man’s Daughter.
I look forward to the challenge of portraying the character. “My very best wishes and congratulations to Ate Marian Rivera Dantes! I wish her a happy, comfortable, and safe pregnancy.”
Last Friday, inihayag ng GMA na umatras na si Marian sa nasabing proyekto dahil sa maselan nitong pagbubuntis. Nirespeto naman ng Siyete ang naging desisyon ni Marian na two months pregnant na.