Nanay ni Jam galit na galit kay Mich: Please lang, maawa kayo sa anak ko!

jam mich

“MAY karapatan ako sa mga naiwan ng anak ko!” Ito ang matapang na pahayag ni Maricar Sebastian, ang ina ng yumaong YouTube sensation na si Jam, laban kay Mich Liggayu.

Hindi titigil ang nanay ni Jam hangga’t hindi niya nabibigyan ng “katarungan” ang anak na namatay sa lung cancer. At ang gusto nito, ibalik ni Mich (ex-girlfriend ni Jam) sa kanila ang mga naiwang ari-arian ni Jam.

Sa interview ng Startalk kay Gng. Maricar sinabi nitong maawa naman daw si Mich kay Jam dahil sobra-sobra na ang panggagamit nito sa namatay na anak, “Hindi ako humihingi ng simpatiya, hindi ako humihingi ng kakampi.

Ang totoo lang ang sinasabi ko.” “Ngayon kung bubuwelta kayo sa akin, nakahanda akong mamatay. Paninindigan ko lahat ng sinabi ko kahit saan tayo mapunta. Ang sabi ko, gusto ko ng breakdown ng finances ng anak ko.

“Hindi ako stage mother. Ni singko wala akong pinakinabangan pagkasikat ng anak ko dahil may kanya-kanya kaming buhay. This time namatay ang anak ko, ngayon, may karapatan ako,” ani Maricar.

“Ayoko sanang magsalita pero sobra e grabe. Hinihingi namin sa ‘yo (Mich) ang gamit. Ano’ng sabi mo sa amin? Pag-iisipan mo. Hinihingi namin ang share, ano’ng binigay mo sa amin? Gusto mo sa ‘yo lahat.

Ang anak ko naghirap din diyan, hindi mabubuo ang Jamich kung walang Jam. Until now pinakikinabangan mo,” hirit pa ng ginang.

“Namatay ang anak ko, ang cellphone ng anak ko hiniram mo kay Yexel (kapatid ni Jam) ano ginawa mo? Ni-log out mo ang Facebook, ni-log out mo ang e-mail, ni-log out mo lahat. Ni-log out mo ang Jamich page… during the wake ‘yan.

“Bakit? Para mawalan kami ng access dahil alam mo sa Jamich page pinagkakakitaan niyo ‘yan na until now sinabi niyo na-hack. Tapos sa Google ng anak ko, ni-log out mo ang email.

Bakit? Kasi du’n pumapasok ang suweldo niyo for YouTube na until now, ikaw ang nakikinabang. “Kaya sino ngayon ang mukhang pera sa aming dalawa? Sino ang mukhang pera? Sobra nang panggagamit ang ginagawa niyo sa anak ko.

Pinagkakakitaan niyo ng pera ang anak ko. Until now ginagamit niyo siya. Please lang, maawa kayo sa anak ko,” sabi pa ni Maricar. Bukas ang pahinang ito para sa paliwanag ni Mich.

Read more...