NGAYONG Lunes tatanggap si Rep. Manny Pacquiao ng $50 milyon (P2.2bilyon ) check mula sa kanyang promoter na si Bob Arum bilang guaranteed downpayment sa kanyang laban sa Mayo 2.
Ayon kay Arum, kakaltasan muna ito ng mahigit 30 percent ng US Internal revenue Service at pagkatapos ay ipapadala by wire transfer sa account ni Pacquiao.
Bukod dito, may tatanggapin pa rin si Pacquiao na $100 milyon (P4.4 bilyon) mula sa pay-per-view, gate receipts sa MGM, foreign broadcast rights at closed circuit income sa mga sinehan at bars, sponsorships at merchandise sales base sa 60-40 contract.
Pero sa mga tayaan sa Las Vegas, lamang pa rin si Floyd Mayweather (1/2) o $100 mananalo ng $50 samantalang si Pacquiao ay (2/1) o $100 mananalo ng $200. Bagay na dumidikit na rin ang tayaan sa harap ng maraming mga usap-usapan sa paligid ng dalawang training camps.
Kung tabla ang labanan 20/1 ang odds ibig sabihin $100 mananalo ng $2,000. Sa pustahan kung tatagal ng 12 rounds ang labanan, ito’y 1/3 o $300 dollars mananalo ng $100.
Sari-saring balita ang kumakalat ngayon sa parehong kampo ni Manny at Mayweather.
Pareho na raw nasa “peak condition” ang dalawa, pero meron daw mga problema ang kanilang mga training camps.
Ayon sa article ni Matthew R. Fellows ng Liberty Voice, humina na raw ang kamao ni Mayweather dahil sa tinatawag na “knuckle and metacarpal problems” hatid na rin nang matagal na pagboboksing. Wala na raw itong “knockout punch” pati ang “leg strength and endurance” ay wala na rin.
Bagay na hindi raw tatagal ng 12 rounds si Floyd kaya ang strategy ay tapusin ang laban sa loob ng six rounds.
May report din na pumutok ang labi nito kaya napilitan silang gumamit ng headgear sa sparring sessions. May tsismis din na napabagsak ito ng kaliweteng sparmate na si Zab Judah, na agad namang pinabulaanan.
Pero ang giit ng kampo ni Floyd, mas accurate ang suntok nito kaysa kay Pacman, batay na rin sa overall statistics ng Compubox sa rating na 46 porysento sa kanyang huling siyam na laban.
Sa panig naman ni Pacman, problema raw ang muscle cramps nito kung kayat hirap ito sa makayanan ang mabilis na “in and out” na laban kay Mayweather.
At maging sa sparring session, hindi raw ito makaiwas sa suntok ng kanyang mga sparring partners.
“Off” at wala raw sa lugar ang “footwork’, “timing” at over-all rhythm ang ating pambansang kamao.
Wala na rin daw “killer instinct” si Manny kayat hindi siya mananalo sabi naman ni Raj Parmar ng fightsaga.com.
Pero, nitong Biyernes, nag-jogging pa si Pacman sa Santa Monica mountains para patunayang malakas ang kanyang “legwork”. At sa media day, nag-spar siya ng 12 rounds kalaban ang dalawang sparing partners. Sabi nila matindi ang suntok ni Manny at di nila alam kung saan nanggagaling.
Sa mga interview, sinabi ni Manny na ide-deliver ni Lord sa kanya si Floyd. Hirit naman ni Floyd, super yaman na siya at kahit matalo siya ay balewala na ito sa kanya. “Bragging rights” lamang daw ang nakataya sa kanya rito, kumpara kay Pacman na matagal nang inaasam ito.
Sa ngayon, ang mga prediction ay nagsasabing hindi matatapos ang 12 rounds, at merong babagsak sa dalawa.
Ang fight plan ni Floyd ay maging “super counterpuncher” gaya ni Juan Manuel Marquez at parusahan ang pagiging “reckless’ fighter ni Pacman,
Ang plano naman ni Pacquiao ay pabagsakin si Floyd ng “straight left” na nagpatulog kay Hatton lalot kontrapelo ito sa mga kaliweteng boksingero.
Napakagandang laban talaga pero sinasabi ng astrologer ko sa inyo. Magwawagi dito si Manny laban kay Money. Hindi lamang sa pagiging magaling na boksingero pero sabi nga ni Pacquiao, kapag natalo niya si Floyd tuturuan niya itong magbasa ng Bibliya.