Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
5 p.m. Rain or Shine vs Talk ‘N Text (Game 3)
SA paglipat ng momentum sa panig ng Rain or Shine, umaasa ang Elasto Painters na madadalawahan nila ang Talk ‘N Text sa kanilang engkwentro sa Game Three ng 2015 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Binura ng Elasto Painters ang 18 puntos na abante ng Tropang Texters at binalewala ang 44 puntos ni Jayson Castro upang mapanalunan ang Game Two, 116-108, at maitabla ang serye 1-all.
Ang Talk ‘N Text ay nagwagi sa Game One, 99-92. Nanalo din ang Tropang Texters sa Elasto Painters sa kanilang pagkikita sa elims, 96-89, noong Enero 28.
Papasok sa laro mamaya ay nag-uumapaw ang kumpiyansa ng Elasto Painters at sinabi ni coach Joseller “Yeng” Guiao na, “The win in Game Two gave us a lot of confidence because if we can survive a 27-point onslaught by Jayson in the first half and overcome an 18-point deficit, you know you can play with the best.”
Buhat sa 73-62 abante ng Talk ‘N Text sa umpisa ng third quarter ay nakahabol ang Rain or Shine na gumawa ng 16-3 atake upang lumamang, 78-76. Nagbida para sa Elasto Painters sa rally na iyon sina Wayne Chism, Gabe Norwood, Jeff Chan at Jireh Ibanes.
At pagkatapos ay ipinagpag ni Paul Lee ang sprained ankle na natamo niya sa first half upang umiskor ng 16 sa kanyang 20 puntos sa second half at tuluyang magwagi ang Rain or Shine.
Pinamunuan ni Chism ang Elasto Painters nang may 30 puntos. Nagtapos din nang may double figures sa scoring sina Chan (17), Norwood (14) at Ibanes (12).
Pinuri rin ni Guiao si Ibanes dahil nalimita nito si Castro sa 4-of-10 field goal percentage sa kabuuan ng second half matapos na sumingasing sa first half.