Kung umaasa pa si Ara Mina na ang nangyayari sa kanila ngayon ni Mayor Patrick Meneses ay isang pagsubok lang na karaniwang nagaganap sa mga magkarelasyon ay mukhang naliligaw ang aktres.
Nang kumalas ang mayor ng Bulacan, Bulacan ay sigurado na siya sa kanyang desisyon. Wala na siyang babalikan. Masakit mang tanggapin ang dahilan ay nagpakatotoo ang pulitiko sa pag-amin na matagal na niyang gustong makalaya sa kanilang relasyon ni Ara Mina.
Pero totoo ngang isang umaga ay nagising na lang si Mayor Patrick na lumipad na ang kanyang pagmamahal sa aktres, pero isang mahabang proseso muna ang pinagdaanan nu’n, marami siyang ginawang paraan para kahit paano’y maisalba ang kanilang pagmamahalan.
Pero wala pa ring nangyari, walang naging pagbabago ang kanilang samahan, nakatira nga sila sa isang bubong pero tuluyan nang lumabnaw ang emosyon ng pulitiko kay Ara.
Masakit ‘yun, mahirap para kay Ara ang tanggapin na sa kabila ng pagkakaroon nila ng anak ay saka pa lumabas sa kanilang relasyon ang ama ni Amanda Gabrielle, pero desidido na ang pulitiko.
Maraming ispekulas-yong naglalabasan tungkol sa kanilang paghihiwalay, ayaw kasing magbanggit ng dahilan si Mayor Patrick, tahimik na tahimik naman si Ara tungkol sa nangyari.
Ang mahagala ay walang tinatalikurang obligasyon si Mayor Patrick sa kanyang anak, anuman ang kailangan ng bata ay handa siyang sumuporta, pero sa bata na lang at labas na si Ara Mina.