TILA nagpapasaring si Vice President Jejomar Binay na hindi dapat walang experience ang mailuklok sa pagkapangulo sa darating na 2016 elections.
“Anim na taon lamang ang pagiging pangulo at napakaiksi po ng panahong ito. Dapat bihasa na sa pamamahala ang uupong pangulo, hindi iyong mag-aaral pa lang ng gagawin sakaling may krisis,” pahayag ni Binay sa isang statement.
“Dahil sa paniniwalang ‘yan, gusto ko na kapag ako ay naging pangulo, pipiliin ko na maging katuwang ang mga Cabinet member na may karanasan at naging epektibo sa kanilang trabaho,” dagdag pa nito.
Ito ang reaksyon ni Binay matapos lumabas ang pinakabagong resulta ng survey ng Social Weather Station sa pagkapangulo na nagpapakita na nangunguna pa rin siya ngunit unti-unti nang dumidikit sa kanya si Senador Grace Poe.
Si Binay bago pa naging bise presidente ay matagal munang naging alkalde ng Makati, na ayon sa kanya ay isang magandang kwalipikasyon para sa tatakbong pangulo.
“Lubos po ang aking paniniwala na pinakamagandang training ang lokal na pamahalaan para sa mga gustong umupo sa nasyonal na posisyon. Tingnan nyo na lamang po ang Amerika. Marami sa kanilang mga national officials ay dating mga gobernador,” pahayag nito.
“Magkatulad ang pamamahala sa lokal at nasyonal, mas malawak nga lang pag buong bansa na ang pinagsisilbihan mo,” dagdag pa nito.
Nanatiling si Binay ang nangungunang choice sa pagkapangulo para sa 2016 elections ayon sa SWS. Nakakuha siya ng 36 porsyento, limang puntos lamang ang taas kay Poe na nakakuha ng 31 porsyento.