PORMAL nang pumirma ng two-year exclusive contract ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas sa GMA 7 kahapon. Winelkam siya ng mga bossing ng network sa pangunguna ni Atty. Felipe Gozon kasama sina Jimmy Duavit, President and COO; Lilybeth Rasonable, Senior Vice President for Entertainment TV; at Redgie Magno, Vice President for Drama Productions.
Napaiyak si Ai Ai nang hingan ng mensahe sa pagbabalik niya bilang Kapuso, na-touch daw kasi siya sa mga sinabi ng mga GMA executives sa naging desisyon niya na bumalik sa Kapuso network. Lalo na nu’ng sinabi ni Atty. Gozon na siya pa rin ang favorite nito sa kabila ng paglipat niya noon sa kabilang istasyon.
Sey ng Comedy Queen, “Yes, I have returned. Nandito na ako uli sa dati kong tahanan. Ang buhay ko sa showbiz ay parang sa tunay na buhay ko rin kasi. Nu’ng napunta ako sa Maynila nahiwalay din ako sa nanay ko. Doon ako sa auntie ko tumira, hanggang sa pasukin ko na ang pag-aartista.
“Tapos nu’ng bumalik nga ako sa nanay ko, nu’ng kinuha ko siya, may Alzheimer na siya kaya hindi na niya ako makilala. At yun ang pagkakaiba, kasi hindi pa rin ako nakakalimutan ng GMA, tinanggap pa rin nila ako,” emosyonal na pahayag ni Ai Ai.
Sa pagbabalik-Kapuso ng Box-Office Queen, agad siyang sasabak sa bagong teleserye ng Siyete, ang TV remake ng pelikulang Let The Love Begin na pinagbidahan noon nina Angel Locsin at Richard Gutierrez. Makakasama ni Ms. A dito sina Ruru Madrid at Gabbi Garcia.
Bukod dito, naka-line up na rin ang gagawin niyang morning show sa GMA, pati na rin ang sitcom na pagsasamahan nila ni Vic Sotto. Meron din silang gagawin ni Ryzza Mae Dizon at isang Sunday show. Gagawa rin sila ng anak na si Sancho Vito ng isang proyekto sa Siyete bukod pa sa isang madramang episode sa Magpakailanman.
Ayaw pang idetalye ni Ai Ai ang tungkol sa gagawin niyang morning show na posibleng itapat sa Kris TV ng kanyang dating friendship na si Kris Aquino. Pero ngayon pa lang ay nagre-react na ang netizens – siguradong pagsasabungin uli ang dalawa para mas maging exciting ang labanan sa morning slot ng dalawang giant networks.
Nagpakatotoo naman si Ai Ai nang tanungin kung magkaibigan pa rin sila ni Kris matapos nga ang kinasangkutan nilang iskandalo noon. Sey ng komedyana, okay na sila ni Kris, totoo naman daw ang pagbabati nila sa kasal nina Dingdong Dantes at Marian Rivera contrary to reports na plastikan lang ginawa nilang pagbebeso.
Pero ayon kay Ai Ai, “former friend” at “former roommate” na lang ang turing niya sa dating bestfriend, “Siyempre iba na ngayon. Dati roommate kami (parehong nasa ABS-CBN) ngayon magkapitbahay na lang dahil nandito na nga uli ako sa GMA. Basta okay na yun. I wish her well.”
Okay din daw ang pagpapaalam niya sa ABS-CBN, maayos siyang nagsabi sa mga bossing ng Dos at nirespeto naman daw ang naging desisyon niya, “Sabi ko nga, hindi biro yung 14 years ko sa kanila, kaya habangbuhay kong tatanawin yun.”
Samantala, bukod sa gagawin nilang sitcom, nakatakda ring gumawa ng pelikula sina Bossing at Ai Ai. At kung meron pa siyang gustong makatrabaho sa mga Kapuso actors, yan ay walang iba kundi si Dennis Trillo na matagal na niyang crush.