Epektibo ang pagganap ng mga pangunahing bida na sina Buboy Villar at Alexandra De Rossi. Ginagampanan ni Villar ang papel ni Emmanuel Pacquiao, ang binatilyong Pacquaio at si De Rossi bilang si Dionisia, ang nanay ni Pacman, na mas kilala sa tawag na Mommy Dionisia.
Naging maganda naman at makatotohanan ang Kid Kulafu na kung saan tumayong executive producer at director si Paul Soriano, ang fiancee ni Toni Gonzaga.
Naipakita sa pelikula ang mga hirap na pinagdaanan ni Pacquiao bago niya narating ang kanyang kinalalagyan ngayon.
Mula sa patpating bata, na binubully sa paaralan, dumaan talaga si Pacquiao sa butas ng karayom bago niya narating ang kanyang tagumpay.
Nandon na natulog sila ng kanyang mga kapatid na hindi naghahapunan.
Kinailangan din ng kanyang pamilya na lumipat ng tirahan dahil nanganib ang kanilang buhay sa Bukidnon kayat nagdesisyong lumipat sa General Santos City kung saan na sila nakatira ngayon.
Nang lumuwas siya ng Maynila, kinailangan niyang maghugas ng mga bote habang naghihintay na makalaban sa ibabaw ng ring.
Ipinakita rin dito kung gaano kasakit para kay Pacquiao ang mamatayan ng kaibigan matapos lumaban sa boksing.
At gaya ng mga ordinaryong Pinoy, hindi naiiba ang pamilya ni Pacquiao sa mga nakakarami na may problema sa pamilya.
Ipinakita kasi sa pelikula ang paghihiwalay ni Mommy Dionisia at ang tatay ni Pacquiao na si dahil sa pambabae ng huli.
Maging ang pagsasalita at kilos ni Mommy Dionisia ay nakuha ni Alexandra.
Sa pelikula, inilarawan si Mommy Dionisia bilang napakasipag at mapagmahal na ina.
Nagsilbing supporting naman sa pelikula si Cesar Montano na gumanap bilang Sardo Dapidran, ang tiyuhin ni Pacquiao, na siyang nakadiskubre sa kanyang talento sa boksing.
Si Sardo rin ang nagbansag kay Pacquiao bilang Kid Kulafu.
May konting komento lamang ako sa pelikula, ipinakita sa umpisa ng pelikula ang hirap kung paano maipit sa labanan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na naging dahilan din kung bakit pinili ni Mommy Dionisia na lisanin ang Bukidnon at tumira sa Gen. Santos City. Totoo kaya ang eksena na rito na ang mga militar pa ang nangingikil ng pagkain at hindi ang mga NPA? Hindi bat adopted pa si Pacquiao ng isang PMA Class? Naging bayolente rin ang mga eksena kung saan nagtagaan at pinugutan pa ng ulo ng militar ang isang nahuling kumander ng rebeldeng grupo.
Napapanahon din ang pelikula dahil sa nakatakdang laban ni Pacquiao laban kay Floyd Mayweather sa Mayo 3.
Saludo ako sa makatotohanang pagganap nina Buboy at Alexandra at kung nais ng ating mga kababayan na makapulot ng araw at inspirasyon mula sa buhay ni Pacquiao, hindi po kayo bibiguin ng pelikula.
MOST READ
LATEST STORIES