Mga kriminal ‘holiday’ sa araw ng Pacman-Mayweather fight

manny pacquiao

Habang papalapit ang laban ng Pambansang Kamao kontra kay Boy Daldal, ang wala pang katalu-talong si Floyd Mayweather, Jr., ay lalong nasasabik ang ating mga kababayan sa muling pakikipagtuos ng lakas ni Pacman.

“May 3, malapit na malapit na, makikita na naman natin ang maluluwag na kalye, ang mga taxi drivers na ayaw munang bumiyahe, kahit nga ang mga mandurukot, holiday ‘yun para sa kanila!” komento ng isa naming kaibigan.

Totoong-totoo ang obserbasyon ng aming kaibigan, ‘yun nga lang yata ang araw na hindi naman piyesta opisyal kung tutuusin, pero nakatutok ang sambayanang Pinoy sa telebisyon.

Ngayon pa lang ay matindi na ang panalangin ng mga Pinoy na sana, sa labang ito ni Manny Pacquiao, ay muli niyang maiuwi sa ating bayan ang karangalan.

Kahit sa Amerika kung saan gaganapin ang laban ay ganu’n din ang ating mga kababayan, lumiliban sila sa trabaho para lang makita ang Pambansang Kamao sa kanyang training.

“Pero mahigpit ang coach niya, sarado palagi ang Wild Card Gym, sa Griffith Park na lang siya inaabangan ng mga Pinoy na gustong makakita sa kanya,” komento ng kaibigan naming si Tita Joji na ilang dekada nang naninirahan sa Los Angeles.

Kay Pacman ito, pagdidiin ng mga Pinoy, kahit pa panay-panay na ang press release ni Boy Daldal na pagagapangin nito ang Pambansang Kamao.

Read more...