Aminado ang isang malapit na kaibigan ni Alex Gonzaga na matumal ang bentahan ng ticket para sa kanyang solo concert sa Smart Araneta Coliseum.
Sabi pa nito, “Kung si ____ (pangalan ng isang magaling na female singer) nga na dati nang nagko-concert, mas maliit lang ang venue na kinuha nila ngayon, e, hirap na hirap sa ticket selling.
“Siya pa kaya na ngayon lang magko-concert, e, Araneta pa agad ang venue niya? Napakalaking challenge nito para kay Alex, nakakaawa naman siya, siguradong stressed na stressed na siya ngayon,” kuwento ng kaibigan ng actress-TV host.
Gusto naming may mapatunayan si Alex, mas matutuwa kaming makitang maligaya siya dahil hindi siya nabigo sa kanyang unang solo concert, pero sinasang-ayunan namin ang kanyang mga kaibigan na nagsasabing malaking paglundag sa bangin ang nalalapit niyang palabas.
Sana’y mas maliit na venue lang muna ang kanilang pinili, hindi ‘yung Big Dome agad, dahil kahit ipagkaila nila ngayon ay totoong mahihirapan si Alex na punuin ang higanteng venue.
Pero may pasubali ang iba, mapupuno raw naman ng young actress-TV host ang Smart Araneta Coliseum kung ipamimigay lang nila ang mga ticket, may mga nagpapatotoo kasi na ganu’n ang ginawa ng kanilang pamilya sa isang malakihang concert ng kanyang Ate Toni.
Lakasan ng loob lang naman ang buhay, nagkataong malakas ang loob ng taong nagmamaniobra ng career ni Alex Gonzaga, good luck na lang sa kanila.