Marian ngumalngal nang malamang buntis; Dingdong natulala

DINGDONG DANTES AT MARIAN RIVERA

DINGDONG DANTES AT MARIAN RIVERA

OKAY lang kay Dingdong Dantes na siya ang maglihi at magsakripisyo para hindi masyadong mahirapan ang kanyang asawang si Marian Rivera na mahigit dalawang buwan nang buntis ngayon.

May paniniwala kasi ang matatanda na kung gusto ng isang buntis na ang mister niya ang maglihi, kailangang hakbangan niya ito habang natutulog at malilipat na raw sa lalaki ang mga hindi magagandang pakiramdam habang nagbubuntis.

Ayon kay Dingdong sa panayam ng GMA 7, handa niyang gawin lahat para kay Marian, “Sabi ko, okay lang, pagdaanan ko na lahat ng mahihirap na bagay, basta huwag lang siya.”

Sey naman ni Marian, “Pero mahirap ho, kasi every morning, nagsusuka talaga ako. “Tapos may mga time na kahit hindi naman medyo malayong biyahe, madalas akong nahihilo. Sabi ko, okay lang, kaya kong tiisin lahat ng sakripisyong iyan, kung ang kapalit naman ay isang napakamagandang biyaya sa Panginoon.”

Sey pa ng GMA Primetime Queen, si Dingdong ang pinaglilihian niya dahil palagi raw niya itong kinukurot. Bukod dito, naghanap din daw siya kamakailan ng isang uri ng kendi. “Nung isang araw pa, ang hinanap ko, White Rabbit… yung kendi na kinakain yung balat. Tapos nung isang araw, haw-haw, yung kendi pa rin, kulay puti pa rin! Puro puti yung hinahanap ko, hindi ko alam kung bakit! Tapos ayaw ko lang ng pabango na sobrang tapang, medyo naliliyo po ako,” sey pa ng aktres.

Sa ngayon okay lang sa mag-asawa kung boy o girl ang maging anak nila, “With regards to the gender po, e, kumbaga once step at a time. Sobrang nagpapasalamat lang kami na may biyaya kami ng isang buhay. So, siguro, okay na kahit ano ang ibigay sa amin.”

Samantala, kahapon sa launch ng bagong endorsement ni Marian na 555 Tuna, sinabi nitong medyo maselan ang pagbubuntis niya ngayon pero pagdating sa pagkain, wala raw naman ipingbabawal sa kanya ang kanyang OB-Gyne.

“Hindi ako maselan sa food, actually every three hours nagugutom ako. Kung malakas akong kumain noong dalaga pa ako, naku, mas malakas akong lumafang ngayon. Okay lang na tumaba, basta para sa baby namin. Pinaghandaan ko na yan, kaya hindi na issue sa akin kung lumobo man ako,” chika ng Primetime Queen.

Tamang-tama nga raw ang pagiging endorser niya ng 555Tuna dahil pwedeng-pwede niyang gamitin ang iba’t ibang variants sa pag-iimbento ng mga recipes na maaari niyang ipakain kay Dong.

Tinanggap daw ni Marian ang bago niyang endorsement dahil matagal na niyang kinakain ang nasabing mga produkto, “alam kong lutong bahay siya at titingnan mo pa lang alam mong hindi ka mabibigo sa lasa.”

Natanong din ang aktres kung ano ang unang reaksiyon niya nang malamang maging mommy na siya, “E, di, ngumalngal nang bonggang-bongga! Kasi lagi ko namang sinasabi na yun talaga ang dream ko, ang maging ina, at yun din ang pangarap ni Dong, ang maging ama!”

At kung ngumalngal si Marian, tulaley naman si Dingdong nang sabihin ng doktor na magiging parents na sila. Dito na nakiusap si Marian na sana’y huwag nang pag-usapan ang kanyang pagbubuntis, “Sana maunawaan n’yo kami, kasi ang pagbubuntis naman ay isang sagradong bagay, isang malaking biyaya, kaya sana ibalato n’yo na lang sa amin muna ito.”

Read more...