SINAMPAHAN ni Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay si Sen. Antonio Trillanes IV ng libel sa Office of the Makati City Prosecutor matapos ang akusasyon ng huli ng panunuhol.
Inakusahan ni Binay si Trillanes ng paglabag sa Article 355, kaugnay ng Article 353 ng Revised Penal Code.
Nauna nang inakusahan ni Trillanes si Binay na sinuhulan nito ng tig-P25 milyon ang dalawang justice ng Court of Appeals (CA) kapalit ng paglalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa anim-na buwang suspensyon na ipinalabas ng Office of the Ombudsman.
“The damaging and ruinous claims spewed out by respondent Trillanes are mere concoctions and fabrications with no other purpose than to malign, discredit, ruin my reputation and besmirch my good name as well as that of my family,” sabi ni Binay.
Idinagdag ng kampo ni Binay na inamin mismo ni Trillanes sa mga panayam sa radyo at telebisyon noong Abril 7 na wala siyang katibayan sa kanyang alegasyon.
Binanggit din ni Binay ang artikulo mula sa Philippine Daily Inquirer na nagsasabing,“Trillanes: I will expose Binay paid for TRO,” na kung saan sinabi ng senador na tumanggap siya ng impormasyon na nagbayad ang pamilya Binay ng malaking halaga para makakuha ng injunction.
Noong Lunes, pinangalanan ni Trillanes sina Justices Jose Reyes Jr. at Francisco Acosta, na pawang mga miyembro ng CA Sixth Division, na tumanggap ng P25 milyon mula kay Binay.