Mga Laro Bukas
(The Arena)
4:15 p.m. Shopinas vs Philips Gold
6:15 p.m. Petron vs Cignal
NAITAAS pa ng Mane ‘N Tail ang kanilang laro para putulin ang tatlong sunod na kabiguan sa pamamagitan ng 25-22, 28-26, 25-19 panalo sa Foton Tornadoes sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference second round kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Si Honey Royse Tubino ay mayroong 23 puntos, sina Danika Genrauli at Samantha Dawson ay may 11 at 10 puntos at si Marleen Cortes ay mayroong 18 digs para bigyan ng magandang pagsalubong ang ikalawang ikutan ng Lady Stallions sa pagsungkit ng ikalawang panalo sa anim na laro.
Ang panalo ay nangyari matapos pahirapan ng koponan ang Petron noong Sabado bago naisuko ang pagkatalo matapos ang limang sets.
“Na-prove rin ng mga bata na may galing sila sa volleyball. At least napalabas ko ito sa kanila. Ang maganda rin sa kanila, nakikinig sila at kapag ganito ang mga players, mananalo kayo,” wika ni Mane ‘N Tail coach Rosemarie Prochina.
Nalasap ng Foton ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo para bumaba sa 3-3 sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Sina Pam Lastimosa at Nicole Tiamzon ay may 14 at 10 puntos para sa Tornadoes na hindi nagkaroon ng isang service ace sa labanan.
Ang pagkatalo ng Foton ay sinabayan ng pagkapanalo ng Shopinas sa Cignal, 25-18, 25-17, 32-30, para pormal na magwakas ang first round elimination.
Sina Cha Cruz ay mayroong 13 puntos, si Stephanie Mercado ay may 11 at si Rizza Mandapat ay may 10 para umakyat ang Lady Clickers sa 3-2 karta.
Samantala, pormal na tinanggap ni Cruz ang pagiging PSL Ambassador na iginawad sa kanya ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.
“This is a blessing from God and a perfect opportunity for me to use my knowledge and talent to inspire the youth,” wika ng 26-anyos at grade two English teacher ng International School Manila.