IWA: Hindi ako kabit! siya ang ahas!

Jodi tantanan mo na raw sana sila ni Pampi Lacson…  

Muli na namang nagpasabog ang Paparazzi ng TV5 kahapon – ito ang issue nina Iwa Moto at Jodi Santamaria kung saan involved din ang ex-husband ng huli na si Pampi Lacson at ang dating boyfriend ni Iwa na si Mickey Ablan.

Si Nanay Cristy Fermin ang nag-interview kay Iwa Moto para sa segment nitong Caught by Cristy.

Two years ago raw ayon kay Iwa ay karelasyon niya si Mickey na naging magulo dahil daw kay Jodi, ito raw ‘yung panahon na nagsasama pa sila ni Pampi bilang mag-asawa.

Naghiwalay na sina Iwa at Mickey at ngayon ay si Pampi na ang karelasyon ng aktres pagkatapos ni Leandro Muñoz. Base sa panayam ni Nay Cristy kay Iwa ay si Jodi raw ang may “utang” sa kanya.

Dalawang taon na ang nakararaan ng banggitin ni Iwa ang pangalan ng babae, pero binawi raw nito kaya ang tanong ni Nay Cristy, bakit niya binawi ang pangalan ng babae?

“Kasi po, noong mga panahong iyon, inaayos pa namin ni Mickey, sinubukan pa namin linisin at inisip ko rin po ‘yung mga taong apektado lalung-lalo na ‘yung mga bata.

Opo, si Jodi po ‘yung naging babae ni Mickey noong nagkaroon sila ng affair before,” sabi ni Iwa.

At ngayong si Pampi na ang boyfriend ni Iwa ay may mga naririnig siya na siya raw ang naging dahilan kaya naghiwalay ang mag-asawa, “Kaya lang naman po ako nandito ngayon, kasi hindi ko nagustuhan ‘yung lumabas sa kabilang istasyon na diumano’y ako raw ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Pampi.

“Kasi po, kahit sabihin nating hindi nila diniretso ‘yung pangalan ko, ang punto ko, tingin nila sa akin, kabit ako at homewrecker, ang sakit po dahil alam ko sa sarili ko na hindi at alam din ni Jodi kung ano ang totoo dahil siya naman talaga ang nag-umpisa ng lahat ng ito,” diretsong sabi ni Iwa.

Natanong ni Nay Cristy kung nagkausap sila noong panahong iyon, “Yes, kinausap ko po siya, pero dininay niya, hindi po siya umamin.

At iniyakan ko po siya, tinanong ko kung bakit niya nagawa sa akin iyon bilang idol ko pa naman siya, tinitingala ko siya.

“Isa siya sa mga artistang sobrang hinahangaan ko dati, kaya ang sakit, dahil ‘yung taong hinahangaan mo, ‘yun pa ‘yung taong mananakit sa ‘yo.

“Tapos ‘yung time na ‘yun, umamin na rin po sa akin si Mickey (na naging sila ni Jodi). At may mga pruweba po ako maski na hindi umamin sa akin si Mickey na nakuha ko before na hanggang ngayon ay tinatago ko lang ngayon para hindi lumaki,” kuwento pa ng aktres.

Tinanong si Iwa kung bakit pinalipas pa niya ang dalawang taon bago siya nagsalita? “Kasi akala ko po iyon ang tamang gawin.

Akala ko pag nanahimik ako, matatapos o lilipas din lahat.

Kaya lang, ang sakit ng mga binitiwang salita ng mga tao sa paligid ko na pati ang pamilya ko nadadamay na.

“Hindi po ako papayag na ganunin na lang ako lalo na po pati pamilya ko na alam ko sa sarili ko wala akong tinapakang tao from the start.

Bakit po mula noon hanggang ngayon, hindi siya nagsasalita? Dahil alam niya sa sarili niya kung ano ang totoo at mas masakit iyon para sa kanya dahil alam niya ang totoo na niloloko niya ang sarili niya.

“Sumatotal dito, na kapag nagsalita siya, alam niya kapag pumitik ako o nagalit ako, may pruweba ako at puwede ko pa siyang idikdik pababa, pero hindi naman ako nandito para ilabas ko ‘yun.

“Gusto ko lang iklaro sa lahat na hindi ako ang naging dahilan kung bakit naghiwalay sila ni Pampi.

Kung mayroon man silang problemang mag-asawa, sila na ‘yun, sa kanila na ‘yun, ipinauubaya ko na ‘yun.

Labas ako du’n kasi two years ago na po iyon,” say pa ni Iwa.

“May sarili ng buhay si Jodi at sa pagkakaalam ko, may boyfriend na siya, doon na siya, masaya na siya, hayaan na lang kami ni Pampi.

Ayoko ring isipin ng bata (Thirdy, anak nina Jodi at Pampi) na ako ang dahilan kung bakit naghiwalay ang mga magulang niya,” dagdag pa ni Iwa.

At ang mensahe ni Iwa para kay Jodi, “Naaawa ako sa ‘yo kasi, ang hirap ng dinadala mo, ‘yang kasinungalingang binubuo mo sa utak mo.

Masakit ‘yun, e, ‘yung nakakasakit ka na ng tao, hindi mo man lang magawang mag-sorry dahil dine-deny mo pa rin sa sarili mo.

“Alam mo ‘yung totoo, ngayon sige okay lang sa akin, mag-react ka dito, okay lang, pero mag-ingat ka kasi tandaan mo, nasa akin pa rin ang huling halakhak kasi ako ang may pruweba at ako ‘yung inapakan mo,” diretsong sabi ni Iwa.

Samantala, tinext namin ang manager ni Jodi na si  Biboy Arboleda para makuha naman ang pahayag ng aktres pero sinagot kami ng, “Hi, Reggs, I’m in Dubai now, sensiya na, ayaw ko pa-interview si Jodi. Salamat.”

Umaasa kami na hindi mananahimik si Jodi sa isyung ito dahil medyo mabibigat ang paratang ni Iwa laban sa kanya, tama lang na ipagtanggol niya ang kanyang sarili.

Read more...