Gerald, Shaina bagay na mag-asawa, maraming paiiyaking mga magulang

gerald anderson

PINALAKPAKAN nang bonggang-bongga sina Gerald Anderson at Shaina Magdayao ng mga nakapanood ng pilot week ng bagong Primetime Bida series ng ABS-CBN na Nathaniel.

Isa kami sa maswerteng naimbita sa celebrity screening last Sunday sa Trinoma cinema ng unang linggo ng Nathaniel na pinagbibidahan nga nina Gerald, Shaina at ng bagong child star na si Marco Masa – ang gumaganap na anghel sa kuwento na pinababa sa lupa para ibalik ang pananampalataya ng mga tao.

In fairness, kahit kami ay nabitin sa first week ng Nathaniel, parang gusto na naming mapanood ang mga susunod pang episodes dahil sa ganda ng kuwento, bukod pa sa magagaling talaga ang lahat ng miyembro ng cast.

Unang linggo pa lang ng serye ay talagang paiiyakin na nito ang madlang pipol – ilang beses ba kaming nagpahid ng luha dahil sa nakakaantig na eksena nina Shaina at Gerald, lalo na noong mamatay na ang kanilang bagong silang na baby.

Grabe! Ang galing-galing nina Gerald at Shaina sa kanilang mga eksena kaya naman hindi mapigilan ng audience ang pumalakpak at maghiyawan.

Actually, bagay na bagay sa dalawang bida ng Nathaniel ang kanilang mga role – first time naming napanood si Shaina na ganu’n ka-intense. At kahit wala pa siyang anak sa tunay na buhay, nabigyan niya ng hustisya ang isang nanay na nawalan ng baby.

Tiyak na hindi malilimutan ng viewers ang eksena ni Shaina sa ospital kung saan namatay ang baby nila ni Gerald. Ramdam na ramdam namin ang sakit ng iyak ng aktres na para bang nangyari na rin sa kanya ang ganu’ng sitwasyon.

At du’n pa lang, sure na sure kaming magiging malakas ang laban ni Shaina sa pagka-best actress come awards season sa telebisyon.

At kung pinuri ng madlang pipol ang husay ni Gerald sa Budoy noon, siguradong mas mamahalin n’yo siya ngayon bilang si Paul Laxamana na ginawa na ang lahat para sa kanyang mag-ina pero nabigo pa rin dahil sa sunud-sunod na pagsubok sa kanilang buhay.

Ilang beses din kaming pinaiyak ni Gerald dahil sa mga makatotohanan niyang eksena sa serye, kabilang na diyan ang confrontation scene nila ni Shaina matapos mamatay ang kanilang anak na si baby Nathaniel.

Sabi nga namin, nagtagumpay ang mga direktor ng Nathaniel na sina Darnel Joy Villaflor at Francis Pasion na mabura ang Budoy look ni Gerald kapag nagdadrama na.

Marami kasi ang nakapansin noon na parang nahihirapan si Gerald na tanggalin ang Budoy acting niya sa mga sumunod pa niyang proyekto. Kapag umiiyak daw ang aktor ay si Budoy pa rin ang nakikita nila kahit ibang karakter na ang ginagampanan nito.

Pero dito nga sa Nathaniel, talagang pinatunayan muli ni Gerald na kayang-kaya niyang gampanan ang kahit anong role na ibigay sa kanya ng ABS-CBN.

Isa pa sa siguradong tatatak sa manonood ay ang karakter ni Coney Reyes na gumaganap bilang nanay ni Gerald na isang successful businesswoman na naniniwalang kayamanan at kapangyarihan ang tanging mahalaga sa buhay ng isang tao. Hindi siya naniniwala sa pagmamahal at pananampalataya.

At tinitiyak namin na kapag nagsimula na ang Nathaniel, pauusuhin ni Ms. Coney ang mga katagang “Yayaman ako!” Ha-hahaha! Hindi na kami masyadong magdedetalye tungkol sa kuwento ng Nathaniel dahil gusto naming masorpresa rin kayo sa mga magaganap sa pilot week pa lang ng serye.

At siyempre, makakalimutan ba namin ang bagong Kapamilya child star na si Marco Masa na tiyak na mamahalin din ng manonood dahil bukod sa napaka-cute ng bagets ay ang galing-galing din nitong umarte.

Sabi nga ng ilang nakausap namin matapos ang celebrity screening, parang gusto na nilang ampunin si Nathaniel at iuwi agad sa bahay nila.

Anyway, makakasama rin sa Nathaniel sina Pokwang, Benjie Paras, Jayson Gainza, Ogie Diaz, Sharlene Sampedro, Jairus Aquino, Yesha Camle, at ang kambal na ex-PBB housemates na sina Fourth at Fifth Solomon.

Ito’y sa ilalim pa rin ng produksiyon ng Dreamscape Entertainment at magsisimula na next week sa Primetime Bida ng ABS-CBN, kaya abangan!

Samantala, marami pa tayong aabangang serye mula sa Dreamscape Entertainment ngayong taon, kabilang na ang soap opera na pagsasamahan nina Judy Ann Santos at Richard Yap, pati na ang inaabangang unang teleserye nina James Reid at Nadine Lustre, ang On The Wings Of Love na sa trailer pa lang na ipinalabas sa ginanap na celebrity screening ng Nathaniel, ay talagang pinakilig na ang mga fans.

Read more...