Nakatira sa barong-barong nag-uwi ng P4.2M sa lotto 6-digit

lotto 6-digit

Isang truck driver na walang matirahan kaya nagtayo ng barong-barong sa tabi ng dagat ang nanalo ng P4.2 milyong jackpot prize ng 6-Digit.
Ayon kay Atty. Jose Ferdinand Rojas II, general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office, ang nanalo ay 46-anyos, may-asawa at dalawang anak. Siya ay taga-Cavite.
Siya ang nakakuha sa mga numerong 02-05-04-1-09-02 sa bola ng 6-Digit na binola noong Marso 31. Ang mga numero ay bigay umano sa kanya n anak na babae.
Nagkakahalaga ng P10 ang taya niya ng manalo.
Bukod sa paglipat, babayaran ng nanalo ang kanyang mga utang at bibili ng ipapasadang pampasaherong jeepney.
Sa pakikipagkuwentuhan ng nanalo kay Rojas siya ay walang pampabayad ng renta kaya nagtayo ng barong-barong sa tabi ng dagat sa coastal area.
“Iyon nga lang ho, pag may bagyo, pinalilikas kami ng barangay.Ngayon po, ang laki ng pasalamat namin sa lotto. Unahin ko po maghanap ng maayos na malilipatan,” saad ng nanalo.
Samantala, inaasahang aabot sa P96 milyon ang jackpot prize ng Super Lotto 6/49 sa Martes.
Walang nakakuha sa mga numerong 48-35-19-37-24-28 na lumabas sa bola noong Linggo kung sana umabot sa P89.6 milyon ang jackpot prize.
Nanalo naman ng tig-P70,000 ang 17 mananaya na nakakuha ng limang numero, at tig-P1,220 ang 974 mananaya na naka-apat na numero. Balik-taya naman ang 21,013 mananaya na nakatatlong numero.
30

Read more...