Sports Assistant Editor
DEHADO man sa laban, siguradong asam nang wala pang talo na si Timothy Bradley Jr. na makagawa ng upset win laban kay Manny Pacquiao sa kanilang World Boxing Organization welterweight title fight bukas sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Posibleng magawa ni Bradlye na gulatin nito si Pacquiao sa kanilang titular showdown.
Si Pacquiao na rin mismo ang umamin na ang Amerikanong boksingero na kilala rin sa tawag na The Desert Storm, ay isa sa pinakamatinding makakalaban niya sa loob ng rin.
Anong alas meron si Bradley?
Di hamak na mas bata ang American boxer kay Pacquiao, at mas “gutom” na boksingero kumpara sa Pinoy boxing hero.
Bukod dito, meron ding siyang mga katangian at karanasan na magagamit para makapagtala ng upset win laban sa Pambansang Kamao. Mas bata ng limang taon si Bradley kay Pacquiao kaya siguradong mas magiging mabilis ang paggalaw ng kanyang mga kamao at paa.
Maliit at maskulado si Bradley pero kaya niyang makipagpalitan ng suntok nang malapitan o kahit pa manggaling siya sa labas.
Dahil maliksi at mas malakas si Bradley, siguradong susugurin niya sa laban si Pacquiao para makapuntos at makaagaw ng ilang rounds sa kanilang bakbakan.
Mahusay na combination puncher si Bradley kung saan kaya niyang magbigay ng isang matinding overhand right laban sa kanyang kalaban.
Ito ang isa sa mga dapat banatay ng Team Pacquiao sa laban.
Nagtataglay rin ang Amerikano ng matitinik at magkakasunod na jab at magaling din siyang body puncher.
Pamilyar rin si Bradley sa mga southpaw o kaliweteng boksingero gaya ni Pacquiao at kayang-kaya niyang makipagbunuan sa mga ito.
Base na rin sa tala ng mga nakalabaan ni Bradley, hindi bababa sa 10 sa 28 professional fights ang mga nakalaban niya na southpaw, at lahat ng mga iyon ay kanyang natalo.
Mayroon ding solidong technical skills si Bradley kung saan naipakita na niya ang mahusay na timing para ma-outbox ang kanyang kalaban.
Bagamat may pagkamaangas si Bradley, determinado at gutom siyang magwagi laban kay Pacquiao.
Isang magandang pagsubok rin ito para sa kanya kung tatalunin niya ang Pambansang Kamao na nagawang magdomina sa walong weight divisions at kinikilalang best fighter pound for pound.
Kung masusunod din ni Bradley ang kanilang game plan sa laban, siguradong hindi malayo na magtala siya ng upset win laban kay Pacquiao.
“It’s all or nothing. No rounds off. Round by round I have to win each one,” sabi ni Bradley sa mga nauna niyang pahayag.
“He’s going to respect me, believe it.
As soon as I tag him he’s going to respect me.”
Mas bata, may mahusay na fighting technique, mabilis, maliksi, determinado, malakas at may kaalaman sa pagsagupa sa mga kaliwete si Bradley kaya kailangan na lamang niyang ipakita ito sa loob ng ring bukas para mapatunayan na ang The Desert Storm ang wawasak sa Pacman!