Lani Mercado reyna ng mga martir na misis

lani mercado

Kung pagiging martyr na misis ang pag-uusapan ay nangunguna sa listahan ang pangalan ni Congresswoman Lani Mercado. Mismong si Senator Bong Revilla na ang nagsasabi, kung saan kumukuha ng lakas ang kanyang kabiyak ay hindi rin nito alam, basta sumasaludo na lang ang senador sa ina ng kanyang mga anak.

Nagdiriwang ngayon ng kaarawan si Cong. Lani. Kahapon ay ipinagdiwang ng kanilang pamilya ang natatanging araw ng aktres-pulitiko sa PNP Custodial Center, dumating din ang kanilang mga kaibigan sa Camp Crame, kumpleto ang pamilya Revilla sa simpleng selebrasyon.

Napakarami nang napanalunang laban sa buhay ang maganda pa ring kongresista. Ang pinakahuli ay ang halinhinan niyang pagtupad sa kanyang obligasyon bilang asawa at ina nang maaksidente si Vice-Governor Jolo Revilla.

Nasa ospital siya sa umaga, sa hapon naman ay dumadalaw siya kay Senador Bong, pinagkakasya niya ang kanyang oras sa maghapon para sa kanyang asawa’t anak pero hindi niya rin napababayaan ang mga pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan sa distrito niya sa Cavite.

Tama si Senador Bong, wala na itong makikitang kasingtatag ni Cong. Lani, magpasadya man ngayon ang senador ng papantay sa kanyang misis ay walang paplakado sa mga katangian ng aktres-pulitiko.

Mula sa pahinang ito, ang mainit naming pagbati ng maligayang kaarawan sa katangi-tanging babae ng kanyang henerasyon, happy birthday, Congresswoman Lani Mercado.

Read more...