Sanhi ng pagkamatay ng 2 uminom ng milk tea tukoy na

Ang pinasarang ErgoCha sa Bustillos Street sa Sampaloc, Maynila.

Ang pinasarang ErgoCha sa Bustillos Street sa Sampaloc, Maynila.

SINABI kahapon ng Palasyo na may inisyal nang resulta ang Food and and Drugs Administration (FDA) kaugnay ng pagkamatay ng dalawa katao matapos uminom ng milk tea sa Sampaloc, Maynila noong Biyernes.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma, ito’y base na rin sa ulat sa kanya ni Health Secretary Janette Garin.
“Ayon po sa kanya, mayroon nang initial findings ang Food and Drugs Administration doon sa mga isinumiteng sample ‘nung produkto na maaaring naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang katao doon sa isang tindahan,” sabi ni Coloma.
Idinagdag pa ni Coloma na hindi pa inilabas ni Garin ang naging resulta ng pagsusuri habang nagsasagawa pa ng beripikasyon ang FDA para matiyak na tama ang resulta nito.
Nauna nang napaulat na may cyanide ang ginamit sa pagtitimpla milk team na naging dahilan para mamatay ang may-ari ng tindahan at ang babaeng kostumer nito makalipas lamang ang tatlong minuto.
Sinabi pa ni Coloma na nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Department of Justice-National Bureau of Investigation(DOJ-NBI) kaugnay na kriminal na aspekto ng insidente.
“Pinaiigting ‘yung koordinasyon sa mga local health authorities na nag-i-issue ng permit sa mga establisyimentong nabanggit para sila ay mag-exercise ng increased vigilance at ipatupad ‘yung mga health and sanitation regulations ng pamahalaan,” dagdag pa ni Coloma.
Pinasara na ang ErgoCha, na matatagpuan sa Bustillos st., Sampaloc.
Namatay ang may-ari ng tea house na si William Abrigo, gayundin ang kostumer na si Suzaine Dagohoy matapos silang bumili ng kanyang boyfriend na si Arnold Aydalla. Nasa ospital naman si Aydalla.

Read more...