HOUSTON — Pinalawig ng San Antonio ang kanilang winning streak sa 10 laro at nalagpasan ng Spurs ang Houston sa labanan para sa NBA Southwest Division title matapos masilat ang Rockets, 104-103, sa kanilang NBA game kahapon.
Siniguro ni Spurs forward Tim Duncan ang panalo ng kanyang koponan matapos supalpalin ang layup attempt ni Rockets guard James Harden may 2.9 segundo ang nalalabi sa laro.
Ang Spurs ay kalahating laro na lang ang agwat sa Southwest leader Memphis Grizzlies, na napanatili ang kalamangan matapos talunin ang Utah Jazz kahapon.
Si Duncan ay nagtala ng 29 puntos at 10 rebounds para sa Spurs na umangat sa ikatlong puwesto sa Western Conference standings.
Si Harden ay nagtapos na may 16 puntos habang si Josh Smith ay gumawa ng 20 puntos para pamunuan ang Rockets.