NITONG nakaraang araw, napaulat na kinausap ni Pangulong Aquino si DILG Secretary Mar Roxas kaugnay ng kanyang pangungulelat sa mga survey.
Hindi naman lingid kasi sa lahat na si Roxas ang tinitingnang magiging pambato ng administrasyon para sa 2016 presidential elections.
Ngunit kahit ano ang gawin ng mga kaalyado ni Roxas para mapaangat ang kanyang pangalan sa mga survey ay hindi umuubra. Laging semplang at kulelat siya sa listahan.
Hindi ba’t sa nangyaring Mamasapano operation, napunta pa ang simpantiya ng marami kay Roxas dahil nga lumabas na hindi siya sinabihan hinggil sa Oplan Exodus sa kabila na siya dapat ang unang nakaalam nito bilang kalihim ng DILG na siyang humahawak sa Philippine National Police(PNP) at Special Action Force (SAF).
Ito’y bukod pa sa kilalang malapit sina Aquino at Roxas ngunit pinili ng Pangulo na pakinggan ang kanyang kaibigan na si dating PNP chief Alan Purisima.
Sa nangyaring ito, may mga nagpayo pa nga kay Roxas na magbitiw na lamang bilang kalihim ng DILG. Ayon pa sa mga komento, baka sakaling tumaas na ang rating ni Roxas kapag umalis siya sa Gabinite ni PNoy.
Sa kabila naman nito, hindi naman natinag si Roxas at patuloy pa rin ang kanyang pagiging loyal kay Aquino.
At kahit pinagmukhang-tanga at sinasabing “naapi” si Roxas ay wala ring magandang epekto ang naidulot ng mga ito sa kanyang naghihingalong survey rating.
Hindi bat sa nakaraang pagdinig ng Kamara kaugnay ng Mamasapano, ipinagtanggol pa ni Roxas si PNoy kung saan inakusahan pa siyang iniintimidate si dating SAF chief Getulio Napenas para maipagtanggol lamang ang Pangulo.
At sa harap ng papalapit na eleksyon sa 2016, tila nangangamba na si PNoy sa patuloy na pangungulelat ni Roxas sa mga survey.
Alam naman ng lahat na sa laki ng utang na loob ni PNoy kay Roxas matapos magparaya noong 2010 presidential elections, wala siyang magagawa kundi iendorso si Roxas.
Kayat sa pakikipag-usap ni PNoy kay Roxas, inaasahan na sinabihan niya ito na kailangan itong gumawa ng paraan para mapaakyat ang kanyang rating.
Kung tutuparin ni Aquino ang kanilang napagkasunduan na si Roxas naman ang susunod na tatakbo, walang magagawa ang Pangulo kundi iendorso ang kalihim.
Ang magiging tanong na lamang ay kung handa ba ang administrasyon na matalo?
Alam naman natin kasi na sa mga nakaraang mga survey, nangunguna pa rin si VP Binay at ang tanging sinasabing makakatalo sa kanya ay si Sen. Grace Poe.
Nahihirapan na maiangat ni Roxas ang sarili sa mga survey dahil na rin sa imahe nito na pagiging elitista, mahirap abutin ng masa.
At kahit anong gawin niyang gimik para mapalapit sa masa ay wa epek ito. Hindi bat tinawag na siyang Mr. Palengke, nagbuhat na ng isang sakong bigas at nagmotorsiklo, sa kabila nito imbes na maging positibo, naging negatibo pa ang dating kay Roxas.
Ano na kaya ang gagawin ng kampo ni Roxas, ng Liberal Party at ng mga kaalyado nito para lamang bumango-bango si Roxas sa masa at magkaroon naman ng kahit kaunting tsansa para masungkit ang pagkapangulo sa 2016?