Hapee, Liver Marin wagi sa AMA, MP Hotel

Mga Laro sa Lunes
(Ynares Sports Arena)
1 p.m. Cagayan Valle vs Jumbo Plastic
3 p.m. Cebuana Lhuillier vs Tanduay Light
Team Standings: Cebuana Lhuillier (3-0); Jumbo Plastic (2-1); Café France (2-1); Hapee (2-1); AMA University (2-2); KeraMix (2-2); Cagayan Valley (1-2); Tanduay Light (1-2); Liver Marin (1-3); MP Hotel (1-3)

LUMABAS ang bangis ng paglalaro ng Hapee sa second half tungo sa 69-65 come-from-behind panalo sa AMA University sa 2015 PBA D-League Foundation’s Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Naiwanan ng 12 puntos sa halftime, 37-25, ginising ni Troy Rosario ang malamyang laro sa paghatid ng pitong puntos.

Sina Arvie Bringas at Chris Newsome ay gumana rin para pakawalan ng Fresh Fighters ang 25-6 palitan upang kunin pa ang pitong puntos kalamangan, 50-43, papasok sa huling yugto.

Umabot pa ang kalamangan ng hanggang sa siyam na puntos, 58-49, pero gumawa ng dalawang tres at dalawang free throws si James Martinez para magkasalo ang Hapee at AMA sa 58-all sa huling 6:39 ng laro.

Pero hindi pa tapos si Rosario na gumawa ng triple matapos ang dalawang free throws ni Scottie Thompson para ilayo uli ang koponan sa lima, 63-58, bagay na hindi na kinaya pang balikan ng Titans.

May 18 puntos, 12 sa second half, si Rosario habang sina Newsome at Thompson ay naghatid ng 12 at 11 puntos. Ang bagong pasok na si Bringas at Kirk Long ay mayroong pinagsamang 17 puntos para ibigay sa tropa ni Hapee coach Ronnie Magsanoc ang ikalawang sunod na panalo matapos ang 64-61 pagkatalo sa Jumbo Plastic sa unang asignatura.

Bumaba ang Titans sa 2-2 baraha at nasayang ang 17 puntos ni Martinez.

Tinapos naman ng baguhang Liver Marin ang tatlong sunod na pagkatalo sa pamamagitan ng 82-68 panalo sa MP Hotel sa unang laro.

Ang mga starters na sina Jovit dela Cruz, Choi Ignacio, Bradwyn Guinto at Ryan Costelo ay tumapos taglay ang 15, 14, 11 at 10 puntos para makatabla ng Guardians ang Warriors sa 1-3 baraha.

Read more...